Sobra-sobrang holidays, idinadaing ng ilang negosyante

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2018 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa pang holiday ang isinusulong na ideklara ng Kamara

Umaaray na sa dami ng holidays ang ilang negosyante dahil sa epekto nito sa kanilang gastusin.

Ayon sa business process outsourcing (BPO) industry, tinatayang nasa P750 milyon ang dagdag na gastos ng industriya sa bawat araw na ginagawang holiday. 

"Legislating and declaring additional non-working holidays will only make doing business in the Philippines more costly, thus lessen the competitiveness of the country as a viable location for outsourcing work. For each unplanned non-working holiday, it costs the IT-BPM industry about Php750 million," saad ng pahayag ng Information Technology and Business Process Association of the Philippines.

Tumataas din ang gastusin ng negosyanteng si Arthur Dy sa sobrang dami aniya ng holidays sa Pilipinas.

Lumolobo raw kasi ang pasuweldo niya sa mga taong papasok kapag holiday sa kaniyang pagawaan ng plastik.

Babala ni Dy, kung patuloy na tataas ang gastos ng kaniyang negosyo, mapipilitan din silang magtaas ng presyo ng produkto.

Maaari ring piliin niyang gawing automated o robot na lang ang magpapatakbo ng operasyon ng pagawaan para wala na raw holiday pay na kailangang bayaran sa manggagawa.

Iyon nga lang, nangangahulugan itong magbabawas din si Dy ng tauhan sa pagawaan.

"Mag-automate kami, 'yong nagagawa ng isang human worker, robot na ang gagawa. So walang overtime, walang holiday pay."

Nababahala rin ang isang may-ari ng leather factory na si George Barcelon sa halos isang buwang kabuuang bilang ng holidays sa bansa.

Katumbas kasi ito ng halos isang buwan ding dagdag na pasahod sa mga manggagawang kailangang pumasok kahit holiday.

Gayunman, ayon din kay Barcelon, kawawa rin dito ang mga manggagawang walang suweldo kung walang pasok.

"Kung required ka magbayad ng 100% [ng suweldo kapag holiday], so you're like paying 13th month already... puwera 'yong 13th month na legislated by law," ani Barcelon. "'Yong iba, 'no work, no-pay'... parang nawalan ng one month [na sahod]."

Kuwento ng isang construction worker, lugi ang tulad niya kapag holiday dahil walang suweldo kaya't wala rin siyang maibibigay na panggastos sa pamilya.

21 HOLIDAYS

Ayon sa datos ng Labor department, mula 2010 hanggang 2016, hindi bababa sa 21 days ang regular at special non-working holidays sa Pilipinas kada taon.

Malaki ito kumpara sa iba pang karatig na bansa ng Pilipinas sa Asya.

Kung pagbabasehan ang dami ng regular holidays, pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming holiday sa bilang na 17.

Sinusundan nito ang Cambodia na may 19.

Pinakaunting holidays ang Laos na may 7 lamang at sinusundan ng Myanmar, Singapore at Vietnam na may tig-10.

Hindi pa kasama sa 17 ng Pilipinas ang mga special non-working holiday na idinedeklara ng gobyerno. 

Noong 2017, naka-23 holiday ang Pilipinas kasama ang para sa APEC at ASEAN Summit. 

Noong 2015, umabot sa 25 araw ang holidays sa Pilipinas. 

Pinag-aaralan naman ngayon ng mga mambabatas ang pagdedeklara ng holiday tuwing Hulyo 27 para gunitain ang anibersaryo ng Iglesia ni Cristo. 

Nito lang Disyembre, naisabatas ang pagtatakda bilang national holiday ng December 8 na Feast of the Immaculate Conception of Mary.

-- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.