DOLE, OK sa P100-P200 buwanang ayuda sa kumikita ng minimum

ABS-CBN News

Posted at Mar 07 2018 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa P100 hanggang P200 ang balak ipanukala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na buwanang ayuda sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage bilang pang-agapay sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi kakayanin ng gobyerno ang P500 monthly subsidy na unang hinirit ng mga labor group.

"I would attempt to recommend mga one to two hundred (pesos) na subsidy... Kung kakayanin ng ating gobyerno, 'yong financial, why not? Pero kung hindi, hanggang [sa] kaya lang natin," ani Bello.

Wala kasi umanong nadadagdag sa iniuuwing kita ng mga mimimum-wage earner kahit tumaas ang take-home pay alinsunod sa reporma sa income tax na nakapaloob sa TRAIN.

Pero buwelta ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), kulang ang P100 hanggang P200 na tulong sa sangkaterbang pasanin ng mga kumikita ng minimum. 

"Sila iyong mga breadwinners ng pamilya, mayroon sinusuportahan na asawa, may mga anak at higit sa lahat, nagdedepende sa kaniya ang kaniyang mga magulang," ani ALU-TUCP spokesman Alan Tanjusay.

Kung hindi umano uubra sa mga economic manager, umaasa ang ALU-TUCP na makikita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang halaga ng pagbibigay ng ayuda sa mga miniumum-wage earner.

Posible rin daw humina ang suporta ng publiko sa pangulo kapag napabayaan ang mga manggagawa.

"Maaapektuhan iyong kaniyang popularity rating, performance rating, kapag tinanggihan niya 'yong ayuda sa mga manggagawa," ani Tanjusay.

Sa Marso 15 nakatakdang magkita ang labor groups at economic managers sa harap ni Pangulong Duterte.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.