Meralco customers makatatanggap ng refund sa Marso

ABS-CBN News

Posted at Mar 05 2020 06:21 PM | Updated as of Mar 05 2020 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Makatatanggap ng refund ang mga kostumer ng Meralco ngayong buwan ng Marso, na maaaring makatulong para mabawasan ang bigat ng inaasahang taas-singil sa kuryente, sabi ng mga opisyal ng kompanya.

Inutusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Meralco na i-refund sa konsumers ang higit P657 milyon na over-recovery at P545 milyon na sobrang nakolekta sa universal charge, ayon kay Larry Fernandez, head ng utility economics ng kompanya.

“’Yong dalawang order na natanggap ng Meralco from the ERC ay makatutulong na, if not fully mitigate, at least offset the expected increase in the generation charge,” ani Fernandez sa panayam ng ABS-CBN News.

Makatutulong daw ang refund para maibsan ang epekto ng inaasahang taas-singil sa kuryente.

“Posibleng pataas [ang movement] pero very very minimal or it can even be flattish,” ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

“Usually kapag March pataas ‘yong movement ng price,” aniya.

Sa Biyernes iaanunsiyo ng kompanya ang eksaktong presyo ng price adjustment.

PRESYO NG PETROLYO POSIBLENG MAY ROLLBACK ULIT

Pero kung nagbabadyang tumaas ang singil sa kuryente, mukhang magkakaroon ulit ng rollback sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

Sa unang 3 araw ng bentahan ng petrolyo sa world market, P1.22 ang ibinagsak ng presyo ng gasolina at P0.66 naman sa presyo ng diesel.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.