Sa mahal ng LPG, hindi pumapayag si Rebecca Biay na pangit ang tangke na mabibili niya.
Apat na LPG ang nagagamit niya kada buwan dahil sa dami ng nilulutong pagkain at ang gusto niya: malinis at malinaw na kita ang brand.
“Kailangan po ang puwet ng LPG hindi kalawangin at saka ang gilid, walang kalawang. Eh napakamahal po ng LPG, P1,00 ang bili ko e kaya kailangan bagong tangke.”
Pero si Marissa Estacio, dismayado dahil ang dati niyang magandang tangke pinapalit sa mga kalawangin at buradong brand.
“Paluma nang paluma hanggang sa naging di na talaga makita ang pangalan parang pinipinturahan na nga lang e kinakabahan ako pinapasiguro ko sa kanya na walang singaw,” ani Estacio.
Sa ilalim ng bagong LPG Law, bawal na ang mga nanggigitata, nanlilimahid at walang brand na LPG. Maaari na ring magpalit ng tangke ang konsumer ano mang oras na gusto niya sa ilalim ng LPG Exchange and Swapping Program.
Para sa Department of Energy, "power of choice" ng konsyumer o karapatang mamili ng brand ang esensya ng Republic Act 11592 o ang bagong LPG Law.
“Ang primary objective ng batas is safety. We cannot compromise safety sa iba't ibang distribution chain. Dapat nandoon ang health, security, safety and environment,” ani DOE Assistant Director Rodela Romero.
Nalinaw din sa batas na hindi pagmamay-ari ng konsumer ang tangke, at brand ang may-ari nito.
Pero kung hindi na siya interesado, dapat ibalik ang deposito batay sa resibo.
Nakalagay din sa batas ang tamang disenyo ng mga sasakyang gagamitin sa transport.
“Lahat ng kailangang pang-deliver especially 2 wheel o 4 wheel vehicle ay kailangang nakahawla siya eto ay nakakulong para kung maaksidente di kakalat ang tangke,” ani Regasco President Arnel Ty.
– Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.