PatrolPH

DA: Presyo ng asukal bahagyang bababa sa loob ng 2 linggo

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2023 04:22 PM

Inaasahang bahagyang bababa ang presyo ng asukal, matapos ang kontrobersyal na pag-aangkat ng Department of Agriculture.

Sa bantay-presyo ng Department of Agriculture, nasa P87 hanggang P110 ang presyo ng kada kilo ng refined sugar pero nakikitang bababa ito nang bahagya sa loob ng dalawang linggo. 

Ito umano ay matapos bigyan ng go-signal ang kontrobersiyal na imported sugar na dalhin na mula sa pantalan papunta sa mga warehouse. 

"The sugar will lower the price of the commercial sugar in the Philippines. It will be P80-P85 per kilo in two weeks," ani DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban. 

Tatlong importer lang ang nabigyan ng allocation: 240,000 metric tons sa All-Asian Countertrade Incorporated, at tig-100,000 metric tons sa Edison Lee Marketing Corporation at S and D Sucden Philippines. 

Sa ngayon, nasa 17,000 metric tons sa kabuuang 440,000 metric tons ng inangkat na asukal ang pumasok na sa bansa. Ayon sa SRA, ginawan na ng paraan ng DA para hindi magka-doble-doble ang inangkat na asukal. 

Naunang isinawalat ni Senador Risa Hontiveros ang umano'y anomalya sa pinabilis na pag-aangkat na tinawag niyang large-scale at government sponsored agricultural smuggling. 

Sinabi din ni Hontiveros na ang memorandum ni Panganiban ang patunay na mga opisyal nga ng pamahalaan ang nasa likod ng cartel at smuggling ng asukal. 

Sinabi naman ni dating SRA Administrator Rafael Cosculluela na posibleng makasuhan si Panganiban dahil sa iregularidad sa pag-aangkat. 

"Yung 260 containers na pumasok without the benefit of sugar order or an allocation, gagawan nila ng release order, this is highly irregular," Cosculluela ni Cosculluela . 

Hindi pa agad maibebenta ang asukal dahil kailangan pa itong dumaan sa reclassification ng SRA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.