PatrolPH

Sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo idinaing ng labor group

ABS-CBN News

Posted at Mar 02 2021 06:42 PM | Updated as of Mar 02 2021 07:37 PM

Sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo idinaing ng labor group 1
Nag-rally ang Defend Jobs Philippines sa harap ng isang gasolinahan laban sa oil price hike. ABS-CBN News

MAYNILA — Nag-rally ngayong Martes ang labor group na Defend Jobs Philippines para idaing ang magkakasunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon sa grupo, na nag-rally sa isang gasolinahan, ang sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo ay magpapataas din sa presyo ng bilihin at pamasahe, na lalo anilang magpapahirap sa mga manggagawa.

Kaya humirit ang grupo ng P100 dagdag sa daily minimum wage.

"Sa sobrang taas ng bilihin ngayon, 'di na makasabay ang sahod ng mga manggagawa natin," ani Defend Jobs Spokesperson Christian Lloyd Magsaoy.

Dahil deregulated ang industriya ng langis, walang kontrol ang gobyerno sa presyo ng petrolyo.

Watch more News on iWantTFC

Sa apat na sunod-sunod na linggong oil price hike, umabot na higit sa higit P4 kada litro ang iminahal ng diesel at gasolina habang lagpas P3.50 naman sa kerosene.

Ipinaliwanag ng mga taga-oil industry na nabawasan kasi ang imbentaryo ng langis ng United States dahil sa nakaraang snow storm.

Bahagya namang bumaba ang presyo ng imported diesel sa unang araw ng trading sa world market.

Pero kailangan pang hintayin ang presyuhan hanggang Biyernes para matiyak kung may rollback sa susunod na linggo o tuloy pa ang dagdag-presyo sa petrolyo.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.