Ilang mambabatas tutol sa sugar importation sa gitna ng mataas na presyo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2022 09:15 PM

MAYNILA — Tumutol ang ilang kongresista sa panukalang sugar importation sa hearing ng Committee on Agriculture and Food ng House of Representatives ngayong Martes. 

Sa pagtatalakay ng komite sumipa na sa P65 ang kada kilo ng refined sugar sa Metro Manila mula sa P48 noong Enero.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, tinutulan nila ang pag-angkat ng asukal dahil pinapatay umano nito ang lokal na industriya ng asukal.

“Napapansin ko nitong nakaraan, parang naging default mode na ng (Department of Agriculture) at ahensya nito ‘yong importation policy,” ani Zarate. 

“‘Pag sinabing nagkaroon ng kulang na suplay ng merkado sa galunggong, sabi ng mga mamamalakaya sapat naman, pero nag-import tayo ng galunggong,” dagdag pa niya. 

Importasyon ang nakikitang solusyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) para mapunan ang kakulangan ng suplay ng asukal. Sa datos ng Confederation of Sugar Producers Associations, bitin ng 150,000 metric tons ang suplay ng asukal sa bansa.

Nasa 200,000 metric tons ng asukal ang balak iangkat ng Sugar Regulatory Administration dahil sa kakulangan ng suplay ng asukal nang masira ang ilang refineries dahil sa Bagyong Odette.

“With La Nina still coming in, the production of this year was also affected. Projections of SRA have lowered compared to last year. I’m also against it, but we are not oblivious to the needs of the sugar industry,” ani Raymond Montinola, pangulo ng naturang confederation. 

Ilalaan sa industrial users at food processors ang balak iangkat na asukal. Ilang kumpanya din ang nagsabing paubos na ang kanilang suplay sa Abril. 

Para naman kay Deputy Speaker Arnie Teves, dapat din isipin ang mga lokal na producer ng asukal kahit sumasangayon ang ilang makakaling kumpanya.

"It’s killing the poor people of Negros and other sugar producing areas,” ani Teves.

Paliwanag naman ng SRA, hind mapupunta sa mga pamilihan ang iaangkat na asukal pero makatutulong ito para bumaba ang presyo sa merkado.

“It will affect retail and wholesale prices because it will have a ripple effect sa general consuming public,” paliwanag ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica.

Ngayong Marso inaasahan sana ang unang batch ng asukal na inangkat ng SRA pero natigil dahil sa isinampang temporary restraining order base sa petisyon ng sugar producers sa Negros Occidental.

Balak ulit ng komite na magkaroon ng kasunod na pagpupulong kaugnay ng importasyon ng asukal.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC