P150 bilyong plano sa pagsasaayos ng NAIA, isinumite

ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 10:30 PM | Updated as of Mar 02 2018 02:52 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakatanggap ang gobyerno ng isa pang project proposal para palakihin ang Ninoy Aquino International Airport. 

Nagsumite na ng project proposal ang grupo ng GMR-Megawide na gumagawa rin ng Mactan Cebu International Airport.

Base sa kanilang plano, dodoble ang laki ng mga terminal pati ang kapasidad.

Mula sa kasalukuyang 350,000 square meters, magiging 700,000 square meters ang masasaklaw ng mga terminal.

Mula rin sa kasalukuyang 31 milyong pasahero na kapasidad ng NAIA, magiging 72 milyong pasahero ang kapasidad ng paliparan.

Magdadagdag din ng taxiway at palalawakin ang mga runway.

Mula rin sa kasalukuyang 730 na paglipad at paglapag ng eroplano kada araw, target na maging hanggang 1,000 ang kapasidad ng plane takeoff at landing.

Ang proyekto ay tinatayang nasa P150 bilyon, mababa pa sa kalahati ng halaga ng proposal mula sa tinatawag na "super consortium" na binubuo ng pito sa pinakamalaking negosyo sa bansa.

"For as long as there's an agreement that they will not overcharge passengers and there are certain safeguards and guidelines, I think that we should welcome as much interest to be able to rehabilitate NAIA," ani Sen. Grace Poe.

HATIAN NG FLIGHTS

Gusto naman ng Manila International Airport Authority na baguhin ang sistema ng paggamit ng mga airlines sa mga terminal, gayundin ang paglipat ng ilang flights sa Clark.

Ito ang nakikitang solusyon ng gobyerno habang hindi pa nasisimulan ang NAIA expansion.

Isinusulong na gawing eksklusibo sa international flights ang Terminal 1 at 3, habang lahat ng domestic flights ay ililipat sa Terminal 2 at 4.

Ibig sabihin din nito, may ilang flights na ililipat sa Clark na may 100 kilometro ang layo sa Metro Manila.

Nagbabala naman ang Cebu Pacific na baka mahirapan ang mga pasaherong may connecting flights kung paghihiwalayin ang kanilang mga operasyon.

"One of our concerns is really in terms of the connectivity. Kasi ngayon po, wala naman pong connector sa loob ng airport," ani Xander Lao, presidente ng CebGo.

Sa gitna ng mga panukala, sinasabing kritikal ang paliparan sa isang bansa, hindi lamang sa turismo, kundi pati sa mga negosyanteng gustong mamuhunan sa Pilipinas. -- Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.