Diskuwento sa langis para sa PUVs palalawigin

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Mar 01 2018 02:32 PM | Updated as of Oct 21 2018 03:22 AM

MAYNILA - Nangako ang ilang kompanya ng langis na ipagpapatuloy at mas lalawakan pa nila ang piso o higit pang diskuwento kada litro sa presyo ng diesel at gasolina para sa mga pampasaherong sasakyan.

Ngayong Huwebes, lumagda ang Pilipinas Shell, Petron Corp, at Phoenix Petroleum kasama ang Department of Energy sa isang memorandum of agreement o kasunduan.

Nangako rin silang pararamihin ang gas stations nilang may alok na diskuwento. Jeep pa lang ang may diskuwento sa Petron at Phoenix, pero sa ilang sangay ng Shell, meron na ring discount ang mga taxi.

Inaasahan ng Department of Energy na makakatulong ang diskuwento sa mga tsuper, lalo't tinaasan ang buwis sa langis simula noong Enero.

Gayunman, nilinaw ng oil companies na ang pagbibigay nila ng diskuwento, tulad ng mga pagtataas ng presyo ng langis, ay nakadepende pa rin sa mga kondisyon sa merkado.

Sa kabila nito, tuloy ang hirit ng mga tsuper para sa taas-pasahe lalo't maliit lang anila ang mamemenos sa diskuwento lalo't madalas ding tumaas ang presyo ng langis.

Nito lamang Martes, Pebrero 27, muling sumipa ang presyo ng langis: P0.85 ang idinagdag sa kada litro ng diesel, P0.65 sa kada litro ng gasolina, at P1.15 sa kada litro ng kerosene.