DOLE nagbabala ukol sa mga nag-aalok ng pekeng trabaho sa Canada

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 03:31 PM

MAYNILA - Nagbabala ang Department of Labor and Employment sa umano'y nagpapanggap na nag-aalok ng trabaho sa Yukon territory sa Canada. 

Sa isang press release, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakatatanggap sila ng mga ulat na ginagamit ng mga scammer ang pangalan ng isang lehitimong recruitment website sa Yukon para makakuha ng aplikante. 

Pagkatapos, maniningil ng USD440 (mahigit P22,000) ang umano'y illegal recruiter. 

"The report said the scammer uses the name of a website of a legitimate Yukon HR practitioner to dupe unsuspecting Filipinos. Victims were then asked to pay the amount of USD440.00 in exchange for non-existent jobs," ayon sa press release. 

Ayon sa DOLE, maaaring sinamantala ng scammers ang kasunduan ng ahensiya at ng Yukon sa pagkuha ng 2,000 Pinoy skilled workers kada taon. 

Dahil dito, nanawagan ang DOLE sa publiko na beripikahin ang ano mang job offer na nakukuha abroad sa website ng Philippine Overseas Employment Administration. 

Kung nakatatanggap man ng kaduda-duda na job offer abroad, payo ng DOLE na mag-email sa [email protected] 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.