PatrolPH

Taas-presyo sa LPG sa Marso inaasahang papalo sa higit P2/kilo

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2019 07:38 PM | Updated as of Feb 27 2019 08:45 PM

Watch more News on iWantTFC

Posibleng pumalo sa higit P2 kada kilo ang taas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) sa Biyernes, Marso 1.

Ayon sa malaking importer ng LPG, ang itinaas ng contract price ay katumbas ng dagdag na P2.50 hanggang P2.90 kada kilo o P27.50 hanggang P31.90 kada regular na tangke.

Dulot umano ito ng mas mataas na demand sa LPG sa buong mundo.

"Plus the fact that crude prices is increasing so this affects the price of LPG as well. Because if crude goes up, LPG follows eh," ani South Pacific Inc. President Jun Golingay.

Pero inaasahan din na sa mga susunod na buwan ay bababa na ang presyo ng LPG. 

"Prices are bound to go down by April and May," ani Golingay. 

Mula sa kasalukuyang P576 hanggang P755 kada 11 kilogram ng tangke, papalo na ng P603 hanggang P782 ang presyo ng LPG simula Biyernes.

PRESYO NG IMPORTED NA PETROLYO NAGMURA

Samantala, bumaba ang presyo ng imported na petrolyo sa pandaigdigang merkado, base sa unang dalawang araw ng trading.

Nasa P0.17 ang ibinaba ng kada litro ng diesel, P0.16 sa gasolina at P0.38 sa kerosene.

Pero puwede pa raw itong mabaligtad sa huling tatlong araw ng trading.

"Hopefully magtuloy-tuloy para next week naman maka-enjoy ang ating mga kababayan ng pagbaba ng presyo," ani Independent Philippine Petroleum Companies Association President Bong Suntay.

Simula Enero 1 hanggang Pebrero 27, P6.69 na ang iminahal ng kada litro ng diesel, P5.89 sa gasolina, at P4.52 naman sa kerosene.

Naghain na rin ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) para ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa jeep.

Pag-aaralan ng LTFRB ang petisyon kasabay ng paggawa ng fare matrix na magtatakda ng pasahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.