Iminungkahi ng isang labor group na taasan ang sahod at bigyan ng mga mas kaakit-akit na benepisyo ang mga manggagawa sa industriya ng konstruksiyon sa bansa.
"Itaas lang natin 'yong sahod, slightly above the minimum wage... para ma-attract natin 'yong mga construction workers na magtrabaho na lang dito," ani Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay.
"Aside from raising the salary, siguro bigyan natin sila ng maganda, attractive na benepisyo at bigyan natin sila ng magandang trato," dagdag niya.
Dapat din daw bigyan ng mga magandang pasilidad ang mga construction worker gaya ng maayos at malinis na barracks o iyong mga gusaling tinutuluyan.
Binitiwan ni Tanjusay ang mungkahi kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na kulang daw ang mga manggagawa sa construction industry, dahilan para maantala ang ilang proyekto sa ilalim ng "Build, Build, Build," ang programang pang-impraestruktura ng administrasyon.
"Itong 'Build, Build, Build' medyo atrasado. Walang trabahante," ani Duterte sa isang talumpati noong Pebrero 14.
Ayon pa sa pangulo, karamihan daw ng mga dapat na nagtatrabaho sa lokal na industriya ay nangingibang-bansa.
Kinumpirma rin ng Department of Labor and Employment na higit 200,000 manggagagwa sa construction ang kailangan pang mapunan.
Kabilang sa mga bakanteng trabaho sa industriya ay leadman, foreman, riggers, masons, steel men, carpenters, plumbers, scaffolders, surveyors, at spotters.
Kailangan din umano ng hydraulic operators, sheet filing operators, vibro machine operators, at heavy equipment mechanics operator.
Pero ayon kay Bureau of Local Employment Director Dominique Tutay, base raw sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority noong 2016, tumaas na ang sahod ng mga manggagawa sa konstruksiyon.
"It could go as high as P1,500 and it could go as low as P450 per day," ani Tutay.
"'Yon ay 2016 pa so maaaring mas tumaas pa po iyan sa mga panahong ito," sabi pa ni Tutay.
Ipinapayo rin ng ahensiya sa mga aplikante sa konstruksiyon na tiyaking taglay ang tamang skills sa ina-aplayang trabaho para madaling matanggap at humingi ng mas mataas na sahod sa employer.
-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, hanapbuhay, trabaho, sahod, labor, construction, Department of Labor and Employment, ALU-TUCP, TV Patrol, Zen Hernandez, TV Patrol Top