PatrolPH

Nestor Espenilla inalala sa kaniyang mga nagawa sa BSP

Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2019 03:10 PM

Nestor Espenilla inalala sa kaniyang mga nagawa sa BSP 1
Nakilala si BSP governor Nestor Espenilla, Jr. sa kaniyang mga programang "financial inclusion" na layong bigyang serbisyo ang mahihirap. File Photo

Sa kaniyang halos dalawang taong pagsisilbi bilang governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nakilala si Nestor Espenilla, Jr. sa kaniyang mga hakbang tungo sa financial inclusion o pagsisiguro na kahit ang mga nasa laylayan ay matututo rin sa pananalapi.

Nitong Sabado, namayapa si Espenilla, 60, matapos ang pakikipaglaban sa tongue cancer. Bago nito, madalas nang nagme-medical leave si Espenilla para operahan at sumailalim sa radiation therapy. 

Si Espenilla ay nagtapos na magna cum laude sa kursong Bachelor of Science in Business Economics sa University of the Philippines. 

Matapos nito, agad pumasok si Espenilla sa BSP bilang debt analyst noong 1981 at dahan-dahan siyang umangat hanggang sa ma-appoint ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang deputy governor for supervision and examination sector. 

Noong Mayo 2017, pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Espenilla bilang bagong pinuno ng BSP matapos magtapos ang termino ni Amando Tetangco.

Pagsapit ng Pebrero 2018, ibinunyag ni Espenilla ang kaniyang tongue cancer diagnosis. 

Pero kahit sa gitna ng karamdaman, patuloy pa rin sa trabaho si Espenilla. 

Nito lamang taon, isang programa para sa mga overseas Filipino worker (OFW) ang inilunsad ng BSP kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) and BDO Foundation.

Tinawag ni Espenilla na "dream come true" ang proyektong Pinansyal na Talino at Kaalaman (PiTaKa) na layong turuan sa pananalapi ang mga OFW. 

Sa gitna ng pagpanaw ni Espenilla, itinalaga si deputy governor Cyd Tuano-Amador bilang officer-in-charge ng central bank. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.