Subway, solusyon sa malalang trapiko sa Pinas?

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2018 12:22 AM

Sa inilabas na pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), nasa P3.5 bilyon na ang nawawalang benepisyo sa ekonomiya dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila, mas mataas ng halos 50 porsiyento kumpara noong 2012.

"Baka understatement pa nga iyon. So talagang masama ang traffic," komento ni Transportation Secretary Arthur Tugade. 

Babala ng JICA, kung hindi sosolusyunan ang problema, lalaki pa ito sa P5.4 bilyon sa taong 2035. 

Isa sa mga dumadanas ng araw-araw na kalbaryo dahil sa matinding trapiko si Arvin Aguirre, na nakaka-dalawa hanggang tatlong oras sa daan para lang makarating sa trabaho.

"Pag late, nababawasan ang suweldo...Siguro P500 kada buwan," hinaing ni Aguirre, isang systems analyst.

Isang nakikitang solusyon sa malawakang traffic ay ang subway na tatakbo mula Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa FTI sa Taguig sa loob lamang ng 31 minuto.

"There is a huge demand [for this subway] considering this congestion," ani Susumu Ito, chief representative ng JICA.

Popondohan ang proyekto ng JICA at nagkakahalaga ito ng P357 bilyon, isa lang sa mahigit 70 major infrastructure projects sa ilalim ng "Build, Build, Build" program ng administrasyon.

Pero pangamba ng ilang commuter, perwisyo din ang pagsasara ng kalsada kapag nagsimula na ang konstruksiyon nito. 

"Iyun ngang hindi pa naghuhukay at nadadaanan pa 'yung mga main road, traffic na, 'yun pa kayang maghuhukay sila, siyempre isasara 'yung mga kalsada," ayon sa isang motorista.


--Ulat ni Michelle Ong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.