Inanunsiyo ngayong Huwebes ng Energy Regulatory Commission (ERC) na pinalawig nito ang suspensiyon sa paniningil ng feed-in-tariff allowance (FIT-ALL), na nakikitang makapagpapababa sa singil sa kuryente.
Nagpasya umano ang ERC na pahabain hanggang Agosto ang suspensiyon sa FIT-ALL o pondong napupunta sa mga renewable energy developer.
Ibig sabihin nito'y imbes na bumalik ang FIT-ALL sa March billing, hindi muna ito isasali sa susunod na 6 na buwan.
"Tiningnan namin ang status ng fund. Healthy 'yong fund... 'di niya kailangan ng additional collection from consumers," ani ERC Chairperson Monalisa Dimalanta.
Ayon sa ERC, mas mabuti nang may kaunting bawas sa singil sa kuryente kaysa lalo pang lumaki ang bayarin ng mga konsumer. May iba pa kasi anilang salik na puwedeng magpataas sa singil, lalo na sa summer.
Samantala, ipinagpaliban naman ng National Power Corporation (Napocor) ang naka-schedule na power interruption sa mga malalayong islang hindi konektado sa main grid.
Nakatakda sana itong mangyari simula Marso 1.
Para sumapat ang budget pambili ng diesel, nangutang ang Napocor sa Landbank at humingi ng ayuda sa national government.
Umaasa din silang maaaprubahan ng ERC ang hirit na P0.5 kada kilowatt hour na dagdag-singil sa universal charge, na sasapul din sa lahat ng konsumer.
Nangako ang ERC na dedesisyunan ang 8 nakatenggang petisyon ng Napocor sa buong 2023.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.