NFA rice nanganganib mawala dahil sa tariffication law

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 09:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakaambang mawala sa pamilihan ang murang bigas na ibinebenta ng National Food Authority (NFA) kasunod ng pagpapatupad ng rice tariffication law. 

Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, ang magiging trabaho ng NFA ay ang magreserba na lang ng "buffer stock" ng bigas para sa mga kalamidad sa ilalim ng batas. 

Pero nakasalalay sa NFA Council ang pagbebenta o pamamahagi ng sobra nito kapag sobra ang kanilang stock, aniya. 

"Kung meron mang sobra siguro 'yun na lang 'yung ibebenta nila sa mga poor communities na depende, magdedesisyon ang NFA Council kung gustong ibenta at P27, or maybe para walang lugi at least mga P30 to P32," aniya. 

Pero wala rin umanong kasiguraduhan na matatapatan ng NFA ang presyo ng commercial rice sa pagpapatupad ng rice tariffication law, kahit na layon ng batas na magbenta ng mas murang bigas sa pagtanggal ng limitasyon sa pag-aangkat nito. 

 Ngayon pa lang ay nangangamba ang mga kostumer at retailer sa nakaambang pagtanggal sa merkado ng NFA rice. 

"'Yan lang ang kaya namin e, sana huwag mawala. Paano kaming mga mahihirap?" ayon sa konsumer na si Myrna Orande. 

Pero ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino may dagdag-ayuda sa bigas ang mga pinakamahirap na pamilya na pinagkaloob na sa conditional cash transfer card-holders. 

"Lahat naman ng conditional cash transfer beneficiaries may P600 rice subsidy every month so may tulong din in terms of that," ani Lambino. 

Marami rin daw kasing mahihirap na bumibili ng bigas. 

Samantala, nagbabala naman ang grupong Laban Konsyumer na sisipa ang inflation o bilis ng pagmahal ng bilihin sa pagpayag ng DTI sa dagdag-presyo sa ilang brands ng sardinas, gatas, at iba pang produkto. 

"Mayroon po tayong inflation target eh. Tayo po ay sumunod doon. Otherwise, wala pong mangyayari," ani Vic Dimagiba, pangulo ng grupo. 

Pero iginiit ng DTI na nakabinbin ang ilang taas-presyo na dapat noong nakaraang taon pa ipinatupad. 

"Yung karamihan doon (sa magtataas-presyo) due pa noong last year dapat magkaroon ng increase. Ngayon 'yung iba base doon sa nag-request, pinag-aralan natin nang maayos 'yun," ani DTI director Dominic Tolentino. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.