Nagbabadyang tumaas ang presyo ng mga produktong de-lata kasunod ng inaasahang pagmahal din ng latang yari sa imported tinplates.
Nagmahal na kasi ang presyo ng tinplates galing Tsina na lalo pang naging mataas ang presyo dahil humihina rin ang palitan ng piso kontra dolyar.
Sa ngayon, naglalaro sa P52 ang palitan ng piso kontra dolyar na pumalo pa sa P52.34 nitong Lunes, Pebrero 19.
"Dollar 'yong pambili namin ng aming mga raw material, so kung nag-depreciate ang ating peso, then that means higher cost ng aming raw materials," paliwanag ni Arthur Dy, presidente ng Tin Can Makers Association of the Philippines.
"Ang tingin namin, it will range from 10-15 percent [ang pagtaas ng presyo ng lata]."
Katumbas ng P0.50 hanggang P6 na dagdag-presyo, depende sa size ng lata, ang 10 hanggang 15 porsiyentong pagtaas na tinukoy ni Dy.
Sapul dito ang mga gumagawa ng sardinas.
Sa Marso pa sila magpapasya kung magkano ang itataas ng presyo ng sardinas kasabay ng pagbubukas ng fishing season.
Tinatamaan din daw kasi sila ng pagmahal ng petrolyo na ginagamit sa mga barkong pangisda.
"You can look at about P0.50 to about a peso at most, that can affect the prices... there's a big possibility because of fuel," ani Cesar Onjie Cruz, presidente ng Canned Sardines Association of the Philippines.
Kinumpirma rin ng grupo ng meat processors na malamang magmamahal din ang de-latang karne dulot ng paghina ng piso dahil bukod sa lata, imported din ang meat products nila.
Bukod sa de-latang sardinas at karne tulad ng corned beef at meat loaf, maaaring maapektuhan din ng pagtaas ng presyo ng lata ang mga pintura at iba pang kemikal na karaniwang de-lata kapag ibinebenta sa merkado.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, TV Patrol, TV Patrol Top, Alvin Elchico, balita, konsumer, bilihin, commodities, consumer, de-lata, canned goods, lata, tin cans, sardinas, corned beef, meat loaf, forex, foreign exchange, palitan ng piso, piso kontra dolyar, dollar, lata, tinplate, sardinas, corned beef, meatloaf