PatrolPH

Hirit na taas pasahe sa jeep: Bagong matrix, hearing 'di na kailangan'

ABS-CBN News

Posted at Feb 19 2019 12:38 PM

Watch more News on iWantTFC

Iginiit ng pinuno ng isang jeepney group na hindi na kinakailangan pa ng pagdinig at panibagong fare matrix sa hirit nilang taas-pasahe.

Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Zenaida Maranan, hindi ito kinakailangan sapagkat ang kasalukuyang pasahe ay probisyonal o pansamantala lamang.

Maaalala na ipinag-utos noong Nobyembre ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pansamantalang ibalik sa P9 ang minimum na pasahe sa mga jeep matapos itaas sa P10 ang minimum fare.

Karaniwang nagkakaroon ng hearing ang LTFRB at mga transport groups para mapag-usapan ang galaw sa presyo ng pasahe sa pagkakataong magpetisyon ang isang tao o grupo na magkaroon ng pagtaas o pagbaba ng pamasahe.

Iginiit ni Maranan na kailangan nang itaas ang pamasahe sa jeep sapagkat malaki na raw ang epekto ng taas-presyo ng krudo sa kanilang mga tsuper bunsod ng mga sunod-sunod na linggong dagdag-presyo sa langis.

Ani Maranan, maghahain na ng petition paper ang kaniyang hanay para ibalik sa P10 ang pasahe ng jeep.

Nauna nang sinabi ng LTFRB na kailangan munang tumuntong ulit sa higit P46 kada litro ang diesel bago nila tugunan ang hirit na itaas ulit ang minimum na pasahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.