'Suplay ng tubig sa Angat Dam magiging sapat sa tag-init'

ABS-CBN News

Posted at Feb 18 2020 08:02 PM | Updated as of Feb 19 2020 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sasapat ang suplay ng tubig sa Angat Dam pagdating ng tag-init, ayon sa direktor ng National Water Resources Board. 

Ito ay sa gitna ng nararanasang rotational water interruption sa iba't ibang parte ng Kamaynilaan dahil sa kakapusan ng tubig sa nasabing dam. 

"Base sa projection naman natin may sufficient supply tayo hanggang April until May bago umabot talaga ang pag-ulan which we expect na baka May or June," ayon kay NWRB director Sevillo David Jr. 

Pero ayon sa NWRB, hindi pa rin buong araw magkakaroon ng suplay ng tubig. 

Nasa 202.4 metro ang lebel ng tubig ngayon sa Angat Dam. Pagdating ng dulo ng Abril, tinatantiyang aabot ito sa 183 metro. 

Sa ngayon, aabot sa 67 porsiyento ng mahigit 1 milyong koneksyon ng water concessionaire na Maynilad ang nakakaranas ng water interruption. 

Kaya naman para sa tag-init, plano namang magpatayo ng modular water treatment plant sa Cavite. 

"Gagamitin po namin 'yong available rivers po within the concession area namin sa Cavite at ito po ay iti-treat namin at idi-distribute ito sa mga customers namin na kasalukuyang binibigyan pa ng aming treatment plant sa La Mesa," ayon kay Ronald Padua, pinuno ng water supply operations ng Maynilad. 

Sisimulan naman ng Manila Water ang rotational water interruption mula sa Huwebes ng hatinggabi hanggang madaling araw nang alas-4. Sapul dito ang mahigit 1 milyong service connections. 

Pero namumuro rin ang pagpapahaba nito sakaling bumaba ang alokasyon ng tubig, ayon kay Manila Water spokesman Jeric Sevilla. 

"Kung saka-sakaling bababaan ang alokasyon, 'yong ating ipinaskil na schedule noong October, eto 'yong 6-10 hours, maaari nating muling ipapatupad," ani Sevilla. 

Hiwalay pa ang nasabing water interruption sa maintenance works ng Manila Water sa Siruna Pumping Station sa Antipolo na mauuwi sa 8 oras na water interruption sa ilang bahagi ng Rizal. 

Plano rin ng NWRB na bawasan ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon sa Abril, habang papalapit ang anihan. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.