Mga brownout asahan sa tag-init: NEA

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2020 03:19 PM | Updated as of Feb 17 2020 09:28 PM

Isang lineman sa may mga electric meter sa Recto Avenue sa Maynila noong Hulyo 31, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nagbabala ang mga electric cooperative na posibleng magkaroon ng rotating power interruption sa Luzon sa kasagsagan ng tag-init dahil sa kakulangan sa suplay ng kuryente.

Sa isang press conference ngayong Lunes, sinabi ni National Electrification Administration (NEA) Administrator Ed Masongsong na posibleng makaranas ng brownout ang ilang lugar sa Luzon sa pagitan ng Abril 18 hanggang 21 at Mayo 20 hanggang 22.

“Dahil summer, dahil maraming gagamit ng kuryente, maliban na lang kung mababawasan ang demand,” ani Masongsong.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Masongsong, naabisuhan na nila ang mga kooperatiba na maghanda sakaling magkulang ang suplay ng kuryente.

Umapela rin ang NEA sa publiko na maging masinop sa paggamit ng kuryente gaya ng pagtanggal sa saksakan ng mga appliance kapag hindi ginagamit, at pagbawas sa paggamit ng mga aircon at plantsa.

Puwede rin daw kausapin ng mga kooperatiba ang mga kostumer nilang negosyante na may mga generator para paghandain ang mga ito na kumalas muna sa kooperatiba at gamitin ang mga generator.

Bukod sa NEA, nagbabala rin ang Meralco na posibleng makaranas ang kanilang mga kostumer ng brownout sa ilang araw ng Abril at Mayo dahil sa kakapusan ng suplay.

Umapela rin si Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga sa mga kostumer na maging matipid sa kuryente sa harap ng inaasahang brownout sa tag-init.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.