Pinaliliguan ang ilang baboy sa isang pig pen sa Bulacan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
MAYNILA - Nangangamba ang grupo ng mga pork producer sa pagtala ng kaso ng African swine fever sa Cagayan De Oro City at Misamis Oriental.
Ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines, maaaring makaapekto ito sa pag-supply ng Mindanao ng baboy sa Metro Manila.
"Ang Mindanao, nasa halos 30 percent or 25 percent ng baboy sa buong Pilipinas, diyan nanggagaling kaya dapat mapigil [ang pagkalat ng ASF] dahil kung hindi, lalo tayong magkakaroon ng kakulangan," ani Nicanor Briones, bise presidente ng grupo.
Sa Mindanao ngayon kumukuha ng suplay ng baboy ang maraming pamilihan ng karne sa Luzon, na umaaray dahil umano sa epekto ng ASF.
Ang naging kakulangan ng suplay ang nagdulot ng pagtaas ng presyo ng baboy sa Metro Manila. Bukod sa pagpapatupad ng price ceiling, ang pagdadala ng baboy mula Mindanao ang ginawang remedyo ng DA sa pagtaas ng presyo ng baboy.
Nasa 171 magsasaka ang naapektuhan at nasa 650 baboy na ang nawala dahil sa ASF sa mga apektadong lugar, ayon sa datos ng DA Northern Mindanao.
Pero ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), isang attached agency ng DA, tingin nila ay hindi naman ito makakaapekto sa pagdadala ng baboy pa-Maynila.
"We’re looking na hindi ito makakaapekto sa pagdadala sa atin ng baboy. Mostly ang dinadala sa ating baboy ay galing sa Bukidnon area," ani BAI Director Reildrin Morales.
Aabot sa 8 container van na may laman na 580 baboy ang ipinadala ng DA Region 10 papuntang Metro Manila. Nitong umaga ng Martes, isinakay ang nasa 1,350 buhay na baboy mula sa Talao-Talao Port sa Lucena City papuntang Metro Manila.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, agriculture, agrikultura, ASF, African Swine Fever, pork, pork price, baboy, presyo ng baboy