PatrolPH

Presyo ng agri-fishery products nagbabadyang tumaas din dahil sa oil price hikes

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2022 02:51 PM | Updated as of Feb 15 2022 07:20 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Inaasahang tataas sa mga susunod na linggo ang presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural sa merkado bunsod ng tuloy-tuloy na pagmahal ng petrolyo, sabi ngayong Martes ng isang grupo.

Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura, mag-uumpisang maramdaman ang pagtaas ng presyo ng agri-fishery products sa ikatlong linggo ng Pebrero hanggang unang linggo ng Marso. 

Nag-umpisa na anilang tumaas ang farm gate price ng nasabing mga produkto. 

Pero sa ngayon, hindi pa gumagalaw ang presyo ng mga produkto, gaya ng gulay, isda at karneng baboy.

Ayon din sa Department of Agriculture (DA), inaasahan din nila ang pagtaas ng presyo ng mga produkto.

Pinag-aaralan na umano ng ahensiya ang cost structure para mabantayan kung tugma ang presyo sa merkado at hindi mananamantala ang mga negosyante. 

Ngayong Martes, nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng panibagong pagtaas sa presyo ng kanilang mga produkto, ang ikapitong sunod na linggong may oil price hike.

Mula Enero 1, umabot na sa P10.20 ang kabuuang dagdag-presyo sa kada litro ng diesel, P7.95 sa gasolina at P9.10 sa kerosene.

Presyo ng sibuyas

Samantala, halos bagsak naman ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan ngayon, kagaya sa Mega Q-Mart sa Quezon City kung saan P80 kada kilo na lang ang presyo mula P200 noong Disyembre.

Idinadaing ng mga magsasaka ang bagsak na farmgate price.

Nasa P17 o P18 kada kilo na ang farmgate price ng red onion ngayon, na dapat ay nasa P25 kada kilo.

Bukod sa lugi umano ang mga magsasaka dahil sa pagtaas ng presyo ng pataba at pesticide, kalaban din umano nila ang mga imported na sibuyas.

Natanggap na umano ng DA ang reklamo sa sibuyas at sinabing tinutulungan na nilang maibenta sa tamang presyo ang mga produkto.

Nanawagan din ang mga magsasaka sa DA na mamigay ng libreng pataba at pesticide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.