'Mga trabahador sa NFA nangangambang maalis dahil sa rice tariffication'

ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2019 10:57 PM

Panukalang rice tariffication pirmado na ni Duterte

Ikinababahala ng mga empleyado ng National Food Authority at mga magsasaka ang pagsasabatas sa rice tariffication bill na magbabawas sa mga tungkulin ng ahensiya. 

Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ngayong Biyernes ng gabi na nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukala. 

Pero hindi pa klaro kung alin ang mga parte ng bagong batas na na-veto o tinanggihan ng pangulo. 

Magugunitang hiniling ni Duterte sa kaniyang State of The Nation Address (SONA) ang pagpasa ng panukala sa pag-asang bumaba ang presyo ng bigas at masolusyonan ang "artificial" rice shortage sa bansa. 

Kaakibat din nito ang pagbawas ng papel ng NFA lalo na't nakatutok na lamang ang NFA sa buffer stocking o pagtatago ng mga bigas para sa panahon ng kalamidad, mula sa tungkulin nito na magbenta ng mas murang bigas. Ito ay pinangangambahan ng ilang manggagawa ng ahensiya. 

"'Pag 'yun (pagtutok sa buffer stock) ang tinirang programa, ibig sabihin wala ka nang gagawin... Pag tinanggal mo lahat ng major function ng NFA, wala na siyang trabaho. Aanhin mo pa 'yung ganoon kalaking bulto ng empleyado?" ani Maximo Torda, pangulo ng NFA Employees Association. 

Nasa 20,000 retailer o tagabenta ng NFA rice at nasa higit 100,000 mga trabahador sa mga rice mill, retailer, at nasa 10 milyong Pinoy daw ang umaasa sa NFA rice, ayon sa datos ng grupong Coalition of Farmers' Organizations, Unions, Retailers, and Rice Millers. 

Sa nasabing datos, aabot naman sa higit 13 milyong magsasaka, kabilang ang kanilang mga pamilya, ang apektado at nasa higit 17 milyon din na nagtatrabaho sa bukid ang mawawalan ng trabaho dulot nito. 

Ayon sa Philippine Farmer's Advisory (PFA), magiging "matindi" ang epekto nito sa industriya ng agrikultura lalo na't nakasalalay umano sa taripang makukuha ang budget para sa mga lokal na magsasaka, na siyang pinagkukuhanan ng stock ng NFA rice. 

"Kung liliit 'yung stock sa world market sa rice at wala tayong ma-import, mayroon pa ba kaming magagastos? Ay di wala, ano ang mangyayari sa farmer, wala, nganga na naman ang magsasaka," ayon kay Edwin Paraluman, pinuno ng PFA. 

Dagdag niya na walang kikitain ang mga lokal na magsasaka lalo na't bumababa nang bumababa ang farmgate price ng palay, na bagsak sa P12 hanggang P15 mula sa P20 dahil sa kasaluluyang polisiya sa pagtataripa. 

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na nasabi na nila ang kanilang punto ukol sa isyu at handa silang tanggapin ang ano mang desisyon ng pangulo ukol sa panukala. 

-- Ulat ni Kori Quintos at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.