Mga panregalo sa Valentine's, apektado ng inflation

Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Posted at Feb 14 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtaas-presyo ang ilang pagkaraniwang regalo at serbisyo ngayong Valentine's Day, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Nagkaroon daw ng pagbilis sa inflation – o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo – sa mga bagay o serbisyong karaniwang binibili tuwing Valentine’s Day.

May ng 8.5 porsiyentong pagbilis ng inflation sa mga matatamis na pagkaing panregalo tulad ng tsokolate ngayong Enero 2019, na mas mataas sa 4.8 porsiyentong pagbilis noong 2018.

Ibig sabihin, kung dating P100 ang isang piraso ng chocolate ay nasa P108.50 na ito ngayong 2019.

Nagmahal naman ng 5.2 porsiyento ang presyo sa mga restaurant noong Enero 2019 mula sa 4.2 porsiyento noong 2018.

Nagkaroon naman ng 11.1 porsiyentong taas-presyo sa mga entrance fee ng mga sine o theme park noong Enero 2019, mas mataas ang antas nito kaysa sa naitalang 5.1 porsiyento noong 2018.

Dahil sa taas-presyo, naging "praktikal" ang ilan sa pagpapamahagi ng regalo ngayong Valentine's.

Kabilang dito si Vincent Lubuguin na nagbigay ng bouquet na naglalaman ng grocery items sa kaniyang kasintahan ng 7 taon na si Mikee Reyes.

"Naisip ko 'yung grocery bouquet kasi pareho na kaming nagtatrabaho so iyong pera na sinasahod namin parang gusto kong magkaroon ng value iyong bibilhin ko so ang naisip ko is something na kakaiba," ani Lubuguin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.