PatrolPH

Ilang kainan sa Baguio buking sa paglabag sa mga patakaran ng BIR

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 03:37 PM

Nagulantang ang ilang mga establisimyento sa Session Road sa Baguio City matapos silang sorpresang inspeksiyonin ng mga kinatawan ng Bureau of Internal Revenue noong Martes.

Sorpresang nag-ikot ang BIR-Cordillera sa mga kainan sa tanyag na lugar kung saan isa-isang sinuri kung rehistrado ang mga cash register, kung may paalala sa paghingi ng resibo, at kung may kaukulang dokumento ba ang mga negosyo.

Ayon sa BIR, rekisito na nakapaskil lahat ng orihinal na kopya ng mga dokumento.
 
"Bahagi ito ng tax mapping para matiyak na sumusunod sa mga patakaran ng BIR ang mga nagnenegosyo," paliwanag ni Gracia Javier, regional director ng BIR-Cordillera.

May mga nakitaan ng paglabag, karamihan ay hindi nakasabit ang mga permit, at walang updated na book o ledger kung saan nakalista ang kanilang mga kita. 

Binigyan ang mga ito ng apprehension slip.

Paalala ng BIR, P10,000 ang multa sa mga walang maipapakitang resibo, P10,000 rin kung hindi rehistrado ang resibo, habang P20,000 naman kung hindi nakarehistro ang negosyo. 

Bukod pa ito sa maaaring isampang kasong kriminal sa mga mapapatunayang lumabag. 

"Matindi na paglabag 'yung non-registration and non-issuance of receipts. Diyan puwede silang mademanda ng unlawful pursuit of business," babala ni Javier. 

Maliban sa pag-inspeksiyon, nagpaalala ang BIR na malapit na ang deadline sa pagbabayad ng income tax return na nakatakda sa Abril 15. --Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.