Petrolyo may taas-presyo sa Martes

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 01:03 PM | Updated as of Feb 11 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Ilang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo na magkakaroon sila ng taas-presyo sa kanilang mga produkto simula Martes, Pebrero 12.

Ayon sa Shell, Petro Gazz, PTT Philippines, Eastern Petroleum, Jetti Pump, SEAOIL, Unioil, at Caltex, P0.90 ang kanilang itataas sa kada litro ng gasolina, at P0.55 naman sa kada litro ng diesel.

May P0.85 taas-presyo rin ang Shell, Caltex, SEAOIL sa kada litro ng kerosene. 

Magiging epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na magpapatupad simula hatinggabi.

Ayon sa Department of Energy, bunsod ang taas-presyo ng U.S. sanction sa Venezuela, pagbawas sa produksiyon ng langis ng Organization of the Petroleum Exporting Countries, at pagsara ng ilang refinery ng langis sa China.

Ipinapayo ng DOE na dumiskarte na lang ang mga motorista lalo at iba-iba naman daw ang presyuhan sa mga gasolinahan.

"We can see na iba-iba ang presyo ng gasolina, diesel, at kerosene sa mga dinadaanan nating gasoline station," ani Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.

Mula umpisa ng taon, P4.54 na ang iminahal ng diesel habang P4.29 naman sa gasolina, kasali na ang taas-presyo sa Martes at ang dagdag-buwis sa langis.

Nasa P2.82 naman ang iminahal ng kerosene mula Enero 1 hanggang Pebrero 12. --Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.