Mga driver, nurse at iba pa, kailangan sa Czech Republic

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2018 12:39 PM | Updated as of Sep 07 2018 02:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kauna-unahang pagkakataon, pormal na binuksan ng Czech Republic kamakailan ang pintuan nito para mag-alok ng trabaho sa mga Pinoy.

Ayon kay Czech Ambassador to the Philippines Jaroslav Olsa Jr., kailangan punan ng kanilang bansa ang pangangailangan sa sektor ng mga manggagawa.

"We understand that we need more skilled workers to come in and support our industrialization programs, working in our companies," ani Olsa sa panayam ng ABS-CBN News.

Kabilang sa mga trabahong maaaring pasukin ng mga Pinoy sa bansa sa Gitnang Europa ay ang pagiging driver, manufacturing technician, warehouse manager, warehouse worker, forklift operator, baker, butcher, nurse at caregiver.

Bagaman wala pang pormal na bilateral labor agreement sa pagitan ng Czech Republic at Pilipinas, inaayos na ang mga visa ruling.

Maagang ginawa ni Olsa ang anunsiyo para mapaghandaan ng mga Pinoy ang mga posibleng trabahong mapapasukan.

Kinikilala ni Olsa ang pagiging masipag at positibo ng mga Pilipino sa trabaho.

"We are also a Christian and Catholic country," ani Olsa. "We know that Filipinos are hardworking and nice people, they are smiling, positive."

Kabilang ang Pilipinas sa tatlong bansa na nais kuhanan ng Czech Republic ng mga manggagawa, kasama ang Mongolia at Ukraine.

Pero payo pa rin ng mga opisyal, maging mabusisi at mag-ingat sa pag-aplay.

"Kailangan 'yong kanilang employer kasama ang accomodation pati 'yong insurance ... dapat dumaan sa tamang proseso ... na 'yong recruitment ay dapat ethical," ani Jed Dayang, charge d'affaires sa embahada ng Pilipinas sa Prague, Czech Republic.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.