PatrolPH

Paggawa ng sardinas, buro sinusulit ng ilang mamimili ngayong mura ang kamatis

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2023 07:46 PM

Watch more News on iWantTFC

Matapos mag bagsak-presyo ng kamatis, sinusulit ng ilang mamimili ang paggawa ng sardinas at buro.

Si Rosaliza Bedrio ipinagpatuloy ang namang home-made sardinas recipe mula sa kanyang ina.

"Naggagawa po ako ng doormat pero kulang sa panggastos sa pang araw-araw, naisipan ko na mag-negosyo ng sardinas kasi mura ang kamatis," dagdag ni Bedrio.

Kung pumatok ang kanyang sardinas business, nais ni Bedrio na madagdagan ang kanyang kaalaman upang mapaganda pa ang kaledad ng kanyang produkto.

"Gusto ko magseminar para madagdagan kaalaman ko paano tumagal at magkaroon ng magandang packaging ito," ani Bedrio.

Gumawa naman ng burong kamatis si Joshua Belen para may pang-ulam ang kanyang pamilya.

"Para may pang-ulam, mahal kasi ang bilihin tsaka masustansya to," dagdag ni Belen.

Base sa price monitoring report DA, ang retail price ng kamatis sa mga pamilihan sa Metro Manila ay nasa ₱25 hanggang ₱60 per kilo.

Sa kabila ng mababang presyo, nilinaw ng ahensya na walang oversupply ng kamatis sa bansa.

Ayon kay Michelle Evaristo, senior science research specialist ng DOST-Industrial Technology Development Institute, All set ang kanilang ahensiya para sa regional training na may kinalamana sa tomato-based products.

"Like tomato purée, yung whole tomato na bottled or in can, meron din tayong ino-offer na formulations for tomato catsup and tomato sauce and also mayroon ding candied tomatoes," dagdag ni Evaristo.

Payo ng DOST sa mga gumagawa ng home-made tomato products, gawin ang pasteurization o pagpapakulo ng mga lalagyan.

"Siguro pwede diyan yung mga 45 minutes na pasteurization o ito yung naka water bath. This is enough para masiguro na ang produkto hindi masisira," paalala ni Evaristo.

Sa Region 2, naging solusyon ang "Chicha-matis" o tomato chips sa maraming supply ng kamatis sa lugar.

Pagmamalaki ni DOST-Batanes Director Nora Garcia, malaking tulong sa mga local farmer ang tomato chips na patok sa mga turista.

"Actually selling like a hotcake yung kanilang (chicha-matis), mayroon na silang 1 year adapting the technology pero until now mabilis maubos sa store yung chica-matis," dahdag ni Garcia.

Tiniyak rin ng DOST na handa ang kanilang mga pasilidad para matulungan ang mga magkakamatis lalo na sa Nueva Vizcaya at Ilocos Region.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.