Mga panaderya nagbabawas muna ng rasyon sa harap ng taas-presyo ng sangkap

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2022 01:22 PM

MAYNILA - Sari-sariling diskarte ang mga panaderya dahil sa mataas na presyo ng asukal at harina. 

Ang isang bakery sa Baclaran, binawasan na muna ng 5 gramo ang orihinal na timbang ng kanilang tinapay para hindi magtaas ng presyo at patuloy pa ring bumili ang kanilang mga suki. 

Hindi naman daw kasi sila makapagtaas ng presyo kahit 25 sentimos lang dahil mahihirapan din ang kanilang mga suki.

“Konti na lang yung kinikita sa bakery. Kumbaga, balikan na lang. 
Ganun din po yung lard, mantika, margarine; lahat ng sangkap sa bakery. Hindi namin winawala yung lasa ng tinapay. Itlog, kumpleto pa rin yan. Tamis," anang panaderong si Darwin Gonzaga.

"Hindi kami nagbawas ng sangkap kahit mahal ang sangkap natin. Maintindihan pa rin yun ng mamimili natin na bakit lumiit kasi nakikisabay rin kami sa agos ng pagbili ng sangkap kasi lugi na rin," dagdag niya. 

Pumapalo na ngayon sa P2,200 ang isang sako ng washed sugar, na dating P1,800; at nasa P980 naman ang kada sako ng harina, na dating P720. 

Una nang sinabi ng Sugar Regulatory Board administrator na si Herminginildo Serafica na walang shortage sa suplay ng asukal. Epekto umano ng bagyong Odette ang pagtaas ng presyo.

Umaasa ang mga negosyanteng apektado ng taas-presyo na masosolusyunan ito sa lalong madaling panahon para muling bumaba ang presyo ng asukal at harina.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC