Kampanya kontra African swine fever dapat paigtingin: consumer group

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 07:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ngayong Linggo sa pamahalaan ang isang consumer group na paigtingin ang kampanya nito laban sa African swine fever (ASF) kasunod ng pag-abot ng sakit sa iba pang bahagi ng bansa gaya ng Mindanao at Kalinga.

Dapat tiyakin ng Department of Agriculture (DA) na sumusunod ang mga magbababoy sa mga biosecurity standard na nagpo-protekta sa kalusugan ng mga baboy, ayon kay United Filipino Consumers and Commuters President RJ Javellana.

Ipinayo rin ni Javellana ang pagbabantay sa mga backyard farm para matiyak na ang mga baboy roon ay walang African swine fever.

Nanawagan din si Javellana sa mga negosyante at biyahero na huwag samantalahin ang problema sa swine fever para magtaas ng presyo ng mga paninda.

Binitiwan ni Javellana ang mga pahayag sa gitna ng patuloy na pagkalat ng ASF sa bansa.

Iniimbestigahan na ng DA kung paano nakapasok ang sakit sa Kalinga.

Tinutukoy ngayon ng DA kung alin ang mga apektadong babuyan sa lalawigan at kung paano nakapasok ang mga kontaminadong baboy roon.

Kinumpira rin ng DA na nagpositibo sa ASF ang mga baboy sa isang auction market sa Sulop, Davao del Sur.

Pero sa pag-imbestiga ng veterinary office ng lalawigan, nalamang ibiniyahe lamang mula Davao Occidental ang mga kontaminadong baboy.

Bagaman nananatili raw “African swine fever-free” ang Davao del Sur, isinara muna ang 3 livestock auction market sa lalawigan para malinis nang mabuti.

Nakumpirma noong Setyembre 2019 ang pinakaunang kaso ng ASF sa Pilipinas, na naging dahilan para magpatupad ng ban o pagbabawal sa pag-angkat ng karne mula sa ibang bansang apektado ng sakit.

Bagaman mapanganib para sa mga baboy, wala namang banta sa kalusugan ng tao ang ASF.

-- May ulat nina Apples Jalandoni, Micaella Ilao, at Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.