PatrolPH

Free training sa game dev't, animation, iba pang high-tech skills alok ng TESDA

ABS-CBN News

Posted at Feb 09 2020 03:44 PM | Updated as of Feb 09 2020 07:14 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Hilig talaga ni John Kevin Lemen ang bumuo ng mga mobile at digital game kaya iyon ang trabahong pinasukan niya.

Pero dahil kinulang pa sa kaalaman sa programming, napilitan din si Lemen – na nagtapos ng kursong multimedia arts – na magbitiw sa trabaho at lumipat sa isang call center.

“'Yong mga pinapagawa sa’kin sa mga test, hindi ko inasahan na ganoon, hindi ko alam ‘yong gagawin ko kaya medyo na-shock ako. Nahirapan ako,” ani Lemen.

Tinatapos na lang ngayon ni Lemen ang kaniyang on-the-job training bago maka-graduate sa Human Resource Development Institute (HRDI) ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa nasabing institute inaalok ang mga libreng high-tech skills training gaya ng game programming, animation, electrical installation and maintenance, at mechatronics.

“Dito na ako nag-aral. Marami na akong natutunan sa fundamentals sa programming,” ani Lemen.

Kabilang ang high-tech skills sa mga in-demand at may kinalaman sa mga trabahong hirap punan sa ilang rehiyon sa bansa, ayon sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Possible in the future, mas dumami pa ‘yong opportunities, lalo na’t related siya sa technology,” ani Emil Mendoza, isang game programming instructor.

“Lalo na sa phones, napakalaki ng market ng games with regards to mobile phones,” dagdag niya.

Para sa mga nais mag-apply, ipinayo ni TESDA HRDI administrative officer Marivic Sagun na tiyaking kayang tapusin ang buong pagsasanay, na maaari umanong tumagal nang hanggang higit 6 na buwan.

“Ang hirap noong pagdating sa kalagitnaan, titigil na siya… sayang ‘yong privilege na binigay sa’yo,” ani Sagun.

National Certificate (NC) 3 ang ibinibigay sa mga nakakapagtapos ng pagsasanay kaya kailangan ding may NC-2 na bago mag-apply. Kung may karanasan na, maaari namang kumuha ng exam at magpa-assess para makakuha agad ng NC-2.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.