Nagtatayo ngayon ng 4 na modular treatment plants ang Maynilad sa Cavite para maibsan at tuluyan nang matigil ang paulit-ulit na water service interruption.
Kabilang dito ang isang planta sa Imus, na tapos na at kayang mag-produce ng 4 milyong litro ng malinis na tubig kada araw para madagdagan ang supply at maiwasan ang service interruption sa bayan.
Pero sa kabuuan, higit 22 milyong litro kada araw ang madadagdag kapag natapos ang isa pang modular plant sa Imus.
Manggagaling umano sa Julian River ang tubig na ipo-proseso ng planta.
"Itong treatment facility na ito, specifically to address underserved areas namin sa Cavite at 'yong sobra po nito ilalabas din namin sa ibang lugar," ani Ronald Padua, head ng water supply operations sa Maynilad.
Local permit na lang ang hinihintay para mapagana ang isang planta sa Imus.
"'Yung sa Imus, inaasahan namin [ang] initial production ngayong summer months of 2023, maybe May, latest na 'yong June... full production [is] September this year," ani Padua.
Higit 20 milyong litro naman ang kayang ma-produce ng planta sa Bacoor pagdating ng 2024.
Kaliwa't kanang proyekto ang isinasagawa ng Maynilad matapos ilang beses pagmultahin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office dahil sa serye ng water interruption, karamiha'y sa southern Metro Manila at Cavite.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.