Epektibo na ang itinakdang suggested retail price ng Department of Agriculture para sa imported na pulang sibuyas.
Para sa mga mamalengke sa Pasay public market, mainam na dagdagan ang budget niyo lalo na kung gulay ang inyong bibilin dahil lagpas pa rin sa suggested retail price na itinakda ng DA ang presyo dito ng sibuyas na nasa P280 hanggang P300 per kilo.
Ayon sa mga nagtitinda, nasa P200 pa kasi ang kuha nila sa mga bagsakan.
Si Sally Tapia na 47 years nang nagtitinda ng gulay sa palengke, aminadong hindi kakayaning ibaba sa P125 na suggested retail ng DA na epektibo na simula ngayong araw.
Puhunan pa lang daw nila ay nasa P270 na ---kasama dito ang presyo sa kanilang supplier sa Divisoria at ang bayad sa transportasyon ng produkto papunta sa kanilang pwesto sa Pasay Public Market.
"Paanong ibebenta namin ng P100 eh ang puhunan namin nasa P270 na. Ano ba naman yan. Eh de hindi na kami kikita? Yung trucking pa, yung bayad sa pwesto, yung bayad sa katulong, saan mo kukinin? Dito din. Kaya hindi talaga pwede magpatong ka ng kaunti. P10 talaga kada item. Kasi madaming binabayaran eh," ayon sa nagtitinda ng gulay na si Sally Tapia.
Ang mamimili namang si Chen Borromeo na may-ari ng karinderya, isang buo na ang nagagamit na sibuyas ngayon kada ulam kumpara ng nakaraang nga linggo na kalahati.
Bagamat natutuwa sa balitang P125 na suggested retail price,
naiintindihan daw nya kung bakit hindi maibaba ng mga nagtitinda ang presyo nito.
"Dati kalahati lang ngayon isang buo na kasi sobramg mahal eh," ayon kay Borromeo.
Kabilang sa mga ikinonsidera sa pagtakda ng P125 SRP ng imported na pulang sibuyas ang presyo ng importer kasama ang mga gastos
matapos ang tinatawag na landed cost na P77 at wholesaler’s price.
-- Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.