PatrolPH

Singil sa kuryente may bawas ulit sa Pebrero: Meralco

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2022 12:10 PM | Updated as of Feb 08 2022 07:48 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Magkakaroon ng bawas sa singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) sa Pebrero, sabi ngayong Martes ng kompanya.

Ayon sa Meralco, bababa nang P0.118 kada kilowatt hour (kwh) ang singil sa kanilang February bill.

Katumbas ito ng P24 bawas sa mga kabahayang may 200 kwh na konsumo, P36 sa konsumong 300 kwh, P46 sa konsumong 400 kwh, at P59 sa konsumong 500 kwh.

Ipinaliwanag ng Meralco na ang bawas-singil ay dahil sa pagmura ng kuryente sa spot market at mga power supplier.

Ito na ang ikalawang sunod na buwang nagkaroon ng bawas-singil sa kuryente.
 

Samantala, nagbabala ng National Grid Corporation of the Philippines na posibleng magka-brownout sa summer dhail sa manipis na reserbang kuryente, at mangongontrata na ng dagdag na supply ang Meralco.

Ito'y para hindi kapusin ang kompanya sa tag-init, kung kailan inaasahang sumipa ang demand sa kuryente.

 Petrolyo

Kung naka-2 sunod na buwang bawas-singil ang Meralco, umabot naman na sa 6 na sunod na linggong nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ngayong Martes, tumaas nang higit P1 ang kada litro ng diesel, gasolina at kerosene.

Dahil sa oil price hike, may ilang gasolinahan sa Metro Manila na lumagpas na sa P70 ang litro ng pinakamahal na gasolina habang P56 hanggang P61 naman sa diesel.
 

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.