Dating labas-masok sa preso, tagumpay sa negosyong salon

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 06:32 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patunay ang batikang hairstylist na si Edwin Samot na sa pagbabago ay may asenso.

Sino ang mag-aakalang ang dating naninirahan sa bangketa at labas-masok sa bilangguan, ngayon ay may-ari na ng isang chain ng high-end o sosyal na salon at spa?

Lumaki sa mahirap na pamilya si Samot at bagaman nagtrabaho ang kaniyang ama bilang tsuper ng jeep, sa bisyo nito winawaldas ang kita.

"Mahirap kami dahil lahat ng kinikita niya (ama) ay pinapakisama niya sa iba," kuwento ni Samot.

Lumayas mula sa kanilang tahanan sa Cavite si Samot at nagpalaboy-laboy sa Kamaynilaan.

Natuto rin siyang magnakaw at nakulong nang higit 10 beses hanggang sa dumating sa puntong ninais niyang magbago.

"Nanaisin mong magbago once na napagod ka na at wala nang way out," aniya. "Wala ka nang manakawan eh...[dahil] lahat ng puntahan mo, may nakakakilala sa'yo."

Nagsikap si Samot na matutong maggupit ng buhok at nagtrabaho sa isang salon.

Gamit ang puhunang P6,000, nagtayo si Samot ng sariling salon.

Lumago ang kaniyang negosyo hanggang sa magmay-ari na si Samot ng isang chain ng high-end o sosyal na salon at spa.

Mayroong 16 sangay ang salon at spa ni Samot, karamihan ay matatagpuan sa Cavite. 

Inspirasyon, tips

Kuwento ni Samot, ginamit niyang inspirasyon ang mga tindahang dating pinagnanakawan para sa disenyo ng kaniyang mga salon.

"'Yong nakaraan ko 'di ba? Pumapasok ako sa Rustan's ... sa Quad [so] na-expose ako sa ganoon kaya parang 'di ako nag-envision ng [salon na] gano'n, gano'n lang," aniya.

Bukod dito, pinasok din niya ang events organizing o pangangasiwa sa mga okasyon.

Sabi ni Samot, sekreto sa isang matagumpay na negosyo ang maayos na samahan sa pagitan ng may-ari at ng kaniyang mga tauhan.

Dahil hindi rin maiiwasan ang mga insidente ng mga nakawan sa salon, lalo na ng mismong mga tauhan, mahalaga rin umanong ipakita na "hands on" o aktibo ang may-ari sa pagpapatkabo ng negosyo.

"Kailangan talaga hands-on at kailangan alam ng mga tauhan na nagbibilang ka, nag-inventory ka," aniya.

Mahalaga rin umanong magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang salon, lalo at marami ang pumapasok sa ganoong negosyo.

Sa halip na makipagsiksikan sa Kamaynilaan, pinili ni Samot na palaguin ang kaniyang negosyo sa Cavite dahil nakita umano niya ang potensiyal sa lugar.

"Alam mo na magbo-boom ang lugar," aniya. "Nandito lahat, naglilipatan."

Biyaya

Bukod sa negosyo, itinuturing din ni Samot na biyaya ang kaniyang dalawang anak, na kaniyang inampon mula sa kakilala ng isang kliyente.

Nais naman ng kaniyang babaeng anak na si Charlene na alisin ang stigma sa pagiging ampon.

"Noong elementary ako, I was bullied kasi adopted," kuwento ni Charlene. "It's not a bad thing, it's a great thing actually."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.