Presyo ng kape, de-lata, umakyat

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 09:58 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Unti-unti nang tumaas sa mga pamilihan ang presyo ng ilang pangunahing bilihin, kabilang ang mga kape at de-lata.

Sa monitoring ng grupong Laban Konsyumer, ilan sa mga nagtaas ang presyo ay ang mga pangunahing bilihin na wala sa listahan ng may suggested retail price (SRP) ng Department of Trade and Industry (DTI), tulad ng ilang brand ng sardinas at kape.

"Gusto po ng Laban Konsyumer, ipaalam sa mga mamimili ang totoong presyo whether with SRP o without," ani Vic Dimagiba, pangulo ng Laban Konsyumer.

Kinompirma rin ng mga may-ari ng mga pamilihan na nagkaroon ng taas-presyo sa ilang brand ng de-lata. 

"'Yong iba nagtaas na, 'yong iba nagtitinginan pa, 'yong iba nag-react nang kaunti, 'tsaka na magtaas uli, konti muna," sabi ni Steven Cua, pangulo ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association.

Inamin naman ng DTI ang pagmahal ng mga de-lata pero hindi umano ito epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law o reporma sa pagbubuwis.

Nobyembre pa umano may hirit na dagdag sa mga de-lata.

Ang SRP, halimbawa, ng meatloaf ng brand na Argentina ay umakyat sa P17 mula sa dating P16.50.

Ang corned beef naman ng Argentina ay nasa P29.50 na mula sa dating P29, habang ang produkto nitong beef loaf ay tumaas sa P16.75 mula P16.50.

Ang SRP ng meatloaf ng tatak 555 ay umakyat sa P16.75 mula sa dating P15.75, habang ang beef loaf nito ay nasa P16.75 na mula P15.75.

Bunsod ng taas-presyo sa supermarket ay ang pagtaas din ng presyo sa mga sari-sari store.

Ramdam din ng mga mamimili ang taas-presyo ng mga bilihin.

"'Yong iba nagtataas ng suweldo pero kung iisipin mo kakainin din ng pagtaas sa presyo," pahayag ng isang mamimili.

"Yesterday lang, namili kami, parang sobrang kaunti lang, sobrang mahal na eh," kuwento naman ng isa pang mamimili.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.