Taas-singil sa kuryente sa Pebrero, posibleng umabot ng halos P1/kWh

ABS-CBN News

Posted at Feb 06 2018 08:06 PM | Updated as of Aug 26 2018 01:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nag-abiso ang Meralco na magkakaroon ng pagtaas sa singil ng kuryente sa Pebrero, matapos ang bawas-singil noong Enero. 

Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, posibleng umabot ang dagdag-singil sa P0.92 kada kilowatt hour (kWh), tulad ng taas noong Pebrero ng nakaraang taon.

"Siguro more or less ganoon 'yong magiging range," ani
Zaldarriaga.

"We're already expecting... February to be higher as far as the rates are concerned," dagdag ni Zaldarriaga.

Sobrang baba na umano kasi ng presyo ng kuryente noong Nobyembre at Disyembre, na bumalik sa normal rate simula ngayong Pebrero.

Isa rin sa mga itinuturong dahilan ay ang paghina ng piso kontra dolyar noong Enero.

Pasok na sa kuwenta ang buwis na ipapataw sa transmission charge dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o reporma sa buwis.

Nasa P0.06 kada kWh ang katumbas na value added tax o VAT sa transmission charge.

"Lahat tayo ay dumadaan diyan para mapunta sa atin 'yong kuryente so lahat tayo ay mapapasahan," ani Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng Energy Regulatory Commission.

Nanawagan si Zaldarriaga sa mga konsumer na maging matipid at masinop sa paggamit ng kuryente.

Sa Huwebes pa nakatakdang ianunsiyo ng Meralco kung magkano ang saktong itataas sa singil sa kuryente sa February bill.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.