MAYNILA - May posibilidad na mas piliin ng ilang trader na ibaba na lang ang kanilang stock ng baboy sa mga probinsiya imbes na sa Metro Manila, sa harap ng ipapatupad na price freeze sa rehiyon simula Lunes, babala ng isang agricultural group.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), maraming probinsiya ang hindi naman sakop ng price cap kaya giit nila na dapat ginawa na lang itong nationwide.
"Sa Baguio puwedeng P380 ang retail so ibig sabihin puwede ka mag-deliver sa Baguio ng P300 for example. Dito sa Metro Manila naka-fix ka sa P270. Instead of going to Manila, dadalhin na lang sa Pampanga 'yan, dadalhin sa Bulacan 'yan. Dadalhin sa ibang area,” ani SINAG chairman Rosendo So.
Sa ngayon nasa P330 hanggang P360 ang kada kilo ng kasim at pigi, habang nasa P370 hanggang P400 naman ang kada kilo ng liempo sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Dahil sa price ceiling sa Lunes, kinakailangang ibenta na ang baboy sa P270 hanggang 300 kada kilo, depende sa parte, at P160 naman sa manok.
Nakakaranas ngayon ng pagtaas sa presyo ng baboy dahil sa kakulangan ng suplay na bunga umano ng African swine fever. Tumaas naman ang presyo ng manok dahil sa pagtaas daw ng demand.
Ganito rin ang pananaw ni Pork Producers Federation of the Philippines Inc. Vice President Nicanor Briones. Pangamba niya, mawawalan ng suplay ang Metro Manila dahil sa price cap.
"Siguradong mangyayari 'yan. Kaya 'yan ang aking kinatatakutan na mawawalan ng baboy ang Metro Manila eh. Eh kahit ako, hindi makabili ang traders ng Metro Manila eh saan ko ibibigay? Du'n ko ibibigay sa makakakuha ng aming baboy," ani Briones.
Ang ilang nagtitinda sa Commonwealth Market, nagpasya namang tumigil muna sa pagbebenta ng baboy kapag ipinatupad na ang price ceiling. Ayon sa administrator ng Commonwealth Market na si Bon Aga, sa 50 puwesto ng baboy, dalawa lang ang inaasahang magbubukas sa Lunes.
Pinili rin ng maraming puwesto ng manok na hindi magbukas.
"May nagparating na. Halos 80 percent ang nagsabi dahil nga mahal ang kuha nila ng baboy 'tsaka manok tapos mura nilang ibebenta eh common sense naman eh kung ako sa kanila, di rin ako magtitinda,” ani Aga.
"Pinipilit ko nga sila magtinda eh pero pinakita nila sa akin 'yung puhunan ng baboy 'tsaka manok di talaga nila kakayanin 'yung ceiling price na P300 at saka P160," dagdag niya.
Hindi na umano nakakabili ang ilang trader ng NCR ng baboy sa mga dati nilang pinagkukuhanan.
Ngayon, naghahanap sila ng ibabagsak na baboy sa mga pamilihan mula sa small-time backyard raisers.
"Kaming mga traders dito sa Maynila, ayaw kaming bentahan na dahil nga may price ceiling tayo. Kapares nu'ng na-experience ko na ngayon wala raw silang binebentang baboy at katwiran nila pinapalaki pa raw nila na mahigit isandaang kilo,” ani Ricardo Chan, president ng Manila Meat Traders Association.
Nagulat ang Department of Agriculture sa hindi nila inasahang epekto ng pagpapatupad ng price cap.
Siniguro nilang may aasahan pa ring baboy ang mga mamimili pagdating ng Lunes, pero nakiusap na rin sila sa mga magbababoy na makipagtulungan na lang sa gobyerno.
"Bigyan natin ng chance 'yung executive order ng Presidente na mai-tame 'yung skyrocketing prices as we believe that the market competition to get the stocks from the farms is what actually drove the prices of farmgate very high. The Department of Agriculture is doing its best na dalhin 'yung kailangan natin na mga baboy from other areas para may supply tayo sa NCR come next week,” ayon kay Bureau of Animal Industry Director Reildrin Morales.
Umaasa ang DA na maipaparating nila sa Metro Manila ang mga baboy galing Visayas at Mindano para mapunan ang posibleng kawalan ng baboy sa mga pamilihan sa Lunes.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, hog trader, NCR price ceiling, SINAG, Samahang Industriya ng Agrikultura, price ceiling, pork, pork price, presyo ng baboy, chicken, chicken price, ASF, price patrol