PatrolPH

Bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Enero, pinakamataas sa 2 taon

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2021 08:19 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Lahat ng paraan ng pagtitipid, ginagawa na ni Nelia Balares para magkasya ang budget sa mga pangangailangan ng pamilya.

Pero ang mismong pagkain nila sa araw-araw, masyado na ring mahal.

"Ang hirap hirap mag-budget. Pero kailangan kumain ang mga tao... Eh meron akong special child, ang special child ko puro karne ang gusto, so kahit medyo mahirap binibili pa rin," ani Balares.

Ayon naman sa kasambahay na si Rosel Duquila, dati puwedeng mamili ng ibang putahe para makatipid.

Hindi na raw puwede ang ganitong diskarte ngayon dahil nagmahal na ang lahat.

"Umaaray din kami sa sobrang taas ng presyo, lalo na sa karneng baboy. Sobrang taas talaga. Sa isda ganon din, kahit gulay, pareho, nagtaas lahat. Mapapakamot ka ng ulo na wala sa oras dahil sa taas ng mga bilihin ngayon," aniya.

Pumalo kasi ang inflation o ang bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin sa 4.2 percent nitong Enero, ang pinakamataas nitong antas sa loob ng dalawang taon.

Kumpara noong Disyembre, tumaas pa ang presyo ng baboy at manok sa National Capital Region. 

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) pataas ang direksiyon ng presyo ng pagkain. 

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung ano ang magiging epekto 
ng mga hakbang ng gobyerno laban sa inflation, tulad ng pagpapatupad ng price cap sa baboy at manok simula sa Lunes.

Ayon sa isang ekonomista, maaring tumaas pa lalo ang ibang presyo, dahil tumataas din ang presyo ng langis.

"From oil alone, there is a significant knock on impact on inflation... But at the rate we are going, it is very difficult to see the inflation rate falling within the 4 percent target as early as the 3rd quarter," ani Jun Neri, lead economist ng bangkong BPI.

–Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.