'Di dapat umabot sa P200': Pagpataw ng SRP sa galunggong pag-aaralan ng DA

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 02:08 PM | Updated as of Feb 05 2020 07:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pag-aaralan ng Department of Agriculture ang pagtakda ng suggested retail price (SRP) sa galunggong sa gitna ng mahal na bentahan nito sa mga palengke, sabi ngayong Miyerkoles ng kalihim ng kagawaran na si William Dar.

Kasalukuyang nasa P240 hanggang P260 ang presyo ng kada kilo ng galunggong sa mga palengke mula sa dating P160 hanggang P180 kada kilo. Nasa P180 naman ang presyo ng kada kilo ng imported galunggong.

Mataas umano ang presyo bunsod ng kaunting bagsak ng galunggong dahil sa closed fishing season mula Oktubre hanggang Enero.

Pero iginiit ni Dar na hindi dapat umabot sa P200 ang galunggong.

“We will study the possibility of having SRP sa galunggong. Otherwise, kung hindi mo mabigyan ng mekanismo na ganyan, the price of galunggong will be 4 times higher,” sabi ni Dar sa gitna ng inspeksiyon ng Navotas Fish Port.

Sinabi rin ni Dar na balak niyang kanselahin ang pagdating ng 18,000 metric tons ng imported galunggong galing China at Vietnam dahil dapat ay hanggang Enero lang ang pag-angkat ng nasabing isda.

Nagsimulang mag-angkat noong Disyembre ang bansa ng galunggong para matugunan ang kakulangan sa suplay ng isda sa merkado.

FISH PORT REHAB

Isa rin sa mga nakikitang solusyon para pumirmi ang supply at presyo ng galunggong at iba pang isda ay ang rehabilitasyon ng Navotas Fish Port, ang pinakamalaking fish port sa na nagsu-supply ng 70 porsiyento ng isda sa Metro Manila at ilang lalawigan.

Nasa P14 bilyon ang pondong nakalaan para sa pagsasaayos ng port, at pamamahalaan ito ng Philippine Fisheries Development Authority. 

Dadagdagan umano ang cold storage sa fish port, na puwedeng paglagyan ng mga isda nang hanggang isang taon.

Nasa 600 metric tons kada araw ang capacity ng cold storage pero puwede itong doblehin kapag may bago nang cold storage, ayon kay Dar.

Puwede na raw magbagsak ng malaking volume ng mga isda para sa mga panahong mahina ang supply para hindi na kailangang mag-angkat pa.

Lilinisin at palalakihin din ang fish port para mas marami umanong barko ang makadaong doon at mas malaking volume din ng isda ang maibabagsak doon. -- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.