Presyo ng petrolyo, muling tataas simula Martes

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 03:42 PM | Updated as of Feb 05 2018 08:21 PM

Muling magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo simula Martes.

Ito ang ika-anim na sunod na linggong magpapatupad ng taas-presyo.

Sa abiso ng ilang kompanya ng langis, nasa P0.50 ang dagdag sa presyo kada litro ng gasolina habang P0.60 naman sa kerosene.

Nasa P0.35 naman ang itataas kada litro ng diesel.

OIL PRICE HIKE

FLYING V (Martes, 12:01 a.m.)

  • GASOLINE +0.50/L
  • KEROSENE +0.60/L
  • BIODIESEL +0.35/L

SHELL, SEAOIL, Petron (Martes, 6 a.m.)

  • GASOLINE +0.50/L
  • KEROSENE +0.60/L
  • DIESEL +0.35/L

PTT Philippines, Eastern Petroleum, Unioil Petroleum, Jetti Petroleum (Martes 6 a.m.)

  • GASOLINE +0.50/L
  • DIESEL +0.35/L

Kung susumahin mula Enero 1, kasali ang epekto ng excise tax, papalo sa P5.90 ang iminahal ng diesel habang P5.12 naman sa gasolina.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinulong nitong Lunes ng Department of Energy (DOE) ang kinatawan ng mga oil firm at ipinag-utos na himayin ang presyuhan ng petrolyo.

"We required them na sila na ang magkaroon ng public announcement for any pump price adjustment whether increase or decrease ... including the reason for such adjustment," ani Rodela Romero, assistant director ng DOE-Oil Industry Management Bureau.

Tiniyak din ni Romero na walang indikasyon na aabot ng P60 ang presyo ng petrolyo.

Noong Hulyo 2008 kasi ay umabot sa higit P60.46 kada litro ang gasolina at P58.94 naman ang diesel.

Sa ngayon, naglalaro na sa P51 hanggang P57 kada litro ang gasolina at P40 hanggang P45 naman ang diesel.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News