PatrolPH

Ilang hog raiser, vendor magsara na lang kaysa sumunod sa price ceiling

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 07:53 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Sa harap ng napipintong pagpapatupad ng price ceiling sa presyo ng baboy, tingin ng ilang vendor at trader ay mas mabuti na munang tumigil sila sa pagbebenta at pag-aalaga ng baboy. 

Nakatakdang ipatupad ang price ceiling, o lagyan ng hangganan ang presyo ng mga karne gaya ng baboy at manok sa harap ng nararanasang taas-presyo na dala ng epekto ng African swine fever. 

Ang pagtaas ng presyo ay isinisisi ng mga awtoridad sa mga anila'y nananamantala at nagtataas ng presyo. 

Sa ngayon nasa P330 hanggang P360 ang kada kilo ng kasim at pigi, habang nasa P370 hanggang P400 naman ang kada kilo ng liempo sa mga pamilihan sa Metro Manila. 

Pero para sa ilang vendor, gaya ni Lorna Ramil, mas makakabuti pa sa kanila na magsara kaysa magbenta nang palugi sa ihinihirit na price ceiling. 

"Di na lang magtitinda kasi magtinda ka, palugi. 'Pag nahuli ka pang ano, iho-hold ka pa nila o pagmumultahin ka pa. Eh 'di magsara ka na lang. Bahala na magugutom, eh 'yun naman 'ata ang gusto ng gobyerno natin eh, ang magutom ang mga Pilipino," ani Ramil. 

Giit pa nila, wala naman sa kanila kung hindi nasa trader ang problema. 

"Dapat ang unahin ng gobyerno 'yung pinagkukuhanan ng karne ng baboy, wala pong problema sa amin. Wala tayong magagawa kung 'yun ang gusto nila pero paano naman kaming maliliit na negosyante?" ayon sa vendor na si Florante Piniero. 

Pero ang mga grupo ng mga trader, isinisisi ang hog raisers. 

Ayon sa Manila Meat Dealers Association, kailangan umanong ibaba ng mga hog raiser ang farmgate price sa P140 hanggang P160 mula sa kasalukuyang P190 hanggang P220 kada kilo. 

Ito ay para mahila ang presyong bigay nila sa mga retailer o tindero. 

Kung mahal din kasi ang farmgate price, posibleng hindi na rin muna sila magbiyahe ng baboy dahil wala ring bibiling tindero sa kanila. 

"Kung magkano nila ibibgay 'yung farmgate nila na presyo, kung kaya naming kunin, kukunin namin. Itong mga hog raiser eh sinamantala nila 'yung kakapusan ng baboy. Sobra silang nagtaas ng mga presyo nila," ani Ricardo Chan ng Manila Meat Dealers Association. 

Umaangal naman ang mga magbababoy at sinabing hindi nila kakayaning ibaba ang farmgate price nang palugi. 

Nagbanta rin silang titigil na sila sa pag-aalaga ng mga baboy kapag patuloy silang inipit para magbaba ng presyo.

"Hindi na kami magdadagdag ng alaga at kami mag-aalis na ng aming mga alaga, kaming mga nakalibre sa ASF. Eh anong mangyayari sa atin, pagdating December next year? Ngayon 40 percent na ang kakulangan, sa susunod 100 percent na kasi yung mga magbababoy inalisan nila ng pag-asang makabawi," ani Nicanor Briones, Vice President ng Pork Producers Federation, Inc. 

Nanindigan naman ang Department of Agriculture na price ceiling ang solusyon para ibaba ang presyo ng baboy sa merkado. 

"Kompetensiya sa pagkuha ng baboy at the farm level, nada-drive po nito pataas 'yung presyo ng baboy. Just to get the supply they will offer prices higher than what is offered," ani Bureau of Animal Industry Director Reildrin Morales.

Dagdag pa niya, nagpapataasan ng presyo, at kapag sumagad ang presyo sa farmgate, nagta-translate ito sa mataas na presyo sa pamilihan. 

Inaprubahan na rin ng Malacañang ang pagbuo ng economic intelligence group para tukuyin kung saang bahagi ng supply chain nagkakaroon ng hindi makatuwirang pagtaas ng presyo. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.