PatrolPH

Singil sa kuryente inaasahang bababa sa Pebrero

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 06:35 PM

Posibleng bumaba ang singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan ng Pebrero, sabi ng tagapagsalita ng kompanya.

Hindi pa masabi ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga kung magkano ang magiging bawas-singil pero hindi raw ito nalalayo sa P0.41 kada kilowatt hour na tinapyas sa singil noong nakaraang buwan.

"Sa ngayon wala pa kaming figures," ani Zaldarriaga sa panayam ng ABS-CBN News.

"Pero tingin namin, kasi kung maaalala mo last month, P0.41 ang binaba. Hindi ko pa lang masabi sa'yo kung more or less the same level or around that figure," aniya.

Ayon kay Zaldarriaga, dahil ito sa mga power supply agreement na nakuha noong 2019 sa pamamagitan ng competitive selection process, kung saan ang pinakamurang presyo ng supply ng kuryente ang pinipili ng isang third party committee.

Kasalukuyang nasa P9.45 kada kilowatt hour ang kabuuang power rate ng Meralco. -- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.