Sellers na nagbebenta ng 'overpriced' face masks online planong ipatanggal

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 06:22 PM | Updated as of Feb 05 2020 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Pinatatanggal ng Department of Trade and Industry ang mga sellers sa mga online sites na nagbebenta umano ng overpriced face masks. 

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, nakipag-ugnayan na sila sa online shopping sites para ipatanggal ang mga account na nakitaan nilang nagbebenta ng face masks na mas mahal sa suggested retail price. 

"We continue to communicate with them. Tingnan natin if we will take down the pages, or sila ang magte-take down or we advise these consumers not to buy from these online sellers," ani Castelo. 

Giit ni Castelo, maaaring bumibili ng face masks ang ilang online sellers sa Bambang at ibinebenta ito nang triple sa dapat nitong halaga. Sa ngayon, wala na halos stocks ng face masks sa Bambang, dala ng malaking demand sa mga face mask. 

Ayon kay Castelo, ibinebenta ng P500 kada kahon ng sellers ang surgical mask na nakikita sa online stores. 

"Kasi kung 500 pieces yan divided by 50 pieces P10 ang isa. Ang SRP ng DOH ngayon is only until P8. P1.10 to P8 lang dapat," paliwanag niya. 

Samantala, nanawagan ang Med Tecs, isang manufacturer ng face masks na huwag nang mag-hoard o bumili ng maraming mask para ibenta sa mas mahal na halaga. 

Ayon sa Med Tecs, hindi nila inaasahan ang biglang pagtaas ng demand para sa face mask - ns idinulot ng pagsabog ng Bulkang Taal at banta ng Novel Coronavirus. 

Dahilan ito para maubusan din ng face mask ang mga sinu-supplyan nilang mga tindahan ng medical supplies. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa pagawaan ng face mask ng Med Tecs sa Mariveles, Bataan, nasa 80,000 face mask ang kaya nilang gawin kada araw. 

Pero dahil sa mataas na demand, inakyat na nila sa 100,000 ang kanilang target, ayon kay Med Tecs chief financial officer Wilfredo Rodriguez. 

"We committed 100,000 pieces this week , 400,000 next week and soon close to two million per month," ani Rodriguez. 

Sa ngayon, bibigyang-prayoridad ng Med Tecs ang mga nangangailangan ng face mask gaya ng health care workers, fast food chain employees at iba pa. 

Muling ipinaalala ng mga opisyal ng World Health Organization na hindi naman kinakailangan ng publiko na magsuot ng face mask lalo na kung wala silang sakit. 

"We like to clarify that evidence to date is that more than 90 percent of transmission is actually attributed to symptomatic ppl. So that's why we are advocating with people with respiratory symptoms and signs need to be careful," ani Rabindra Abeyasinghe, WHO - Philippines representative. -- Ulat nina Zyann Ambrosio at Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.