Bilang ng TNVS na papayagang pumasada, rerebisahin

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 06:56 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Balak taasan ng Department of Transportation (DOTr) ang bilang ng transport network vehicle service (TNVS) drivers na papayagang pumasada matapos maipatupad ang kanilang panukalang tapyas.

"Kung kailangan baguhin, dapat lang baguhin," sabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Enero 18 nang magpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng isang memorandum na naglalayong limitahan ang bilang ng mga pumapasada sa ilalim ng mga transport network company tulad ng Grab at Uber.

Sa memo, nasa 45,000 units lamang ng Uber at Grab ang pasok sa base cap at maaaring kumuha ng mga pasahero sa Metro Manila.

Kasalukuyang nasa 125,000 ang kabuuang bilang ng mga nakarehistrong driver ng Grab at Uber.

Ipinag-utos din ni Tugade kamakailan na palawigin ang deadline ng mga TNVS driver na nag-aayos ng kanilang mga papeles para maisama sa master list ng ahensiya ng mga aprubadong TNVS unit.

Sabado, Pebrero 3, pa dapat ang huling araw na maaari silang pumasada pero binigyan ang mga driver ng hanggang Marso 5 para magpasa ng mga requirement.

Ngunit may ilang TNVS driver tulad ni Raymond Montiel na kabado pa rin.

Bukod kasi sa hanapbuhay niya ang pagmamaneho sa Grab, hindi pa rin bayad ang kaniyang sasakyan.

Wala umanong naririnig na konkretong plano si Montiel para sa mga driver na hindi maisasama sa master list.

"Kahit konting patikim lang ... kung anong plano nila in case 'di kami masama sa platform," ani Montiel. "Kahit service man lang 'yan sa ibang doctors or any companies."

Ayon naman kay Eric Fernandez, tagapagsalita ng isang grupo ng mga TNVS driver, hindi sapat ang itatakdang base cap para pagsilbihan ang mga pasaherong tumatangkilik sa kanilang serbisyo.

May nakahanda naman umanong mga programa ang kompanyang Grab para sa mga hindi maisasama sa master list. 

"Meron na-identify na si LTFRB na mga exit scenarios, puwede silang mag-tourist transport, puwede sila mag-taxi," ani Leo Gonzales, tagapagsalita ng Grab Philippines.

"We are looking into other ways na puwede silang pumasok sa services namin," ani Gonzales.

Pinag-iisipan na rin ng LTFRB na payagan nang bumiyahe ang mga hatchback at compact o maliliit na kotse pero sa mas mababang pamasahe.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.