Malaking taas-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) ang sumalubong sa mga konsumer sa pagpasok ng Pebrero ngayong Biyernes.
Taas presyo sa LPG ngayong Pebrero:
- Solane → P3.41/kilo
- Petron → P3.88/kilo
- Auto LPG → P2.71/litro
Nasa higit P2 hanggang halos P4 kada kilo ang itinaas ng presyo ng LPG, base sa abiso ng sari-saring gasolinahan.
Kaya ang karaniwang binibiling 11 kilong tangke ay madadagdagan ng higit P40 ang presyuhan.
Magkakaiba naman ang composition ng kemikal sa mga LPG na ibinebenta kaya magkakaiba rin ang pagtaas ng presyo.
Ayon sa isang mambabatas, dahil ito sa pagtaas ng bentahan ng langis sa world market, at ang pagbaba ng temperatura sa Amerika, Canada, at China.
"Itong increase na ito is due to international market price, it's not the effect of excise tax. Our forecast naman is once uminit ang panahon ng US, and Canada and China, then ang presyo ng LPG or fuel will start to go down... This is a temporary," ayon kay LPG Marketers' Association (LPGMA) party-list Rep. Arnel Ty.
Dahil dito, umaaray ang nagkakarinderyang si Bambam Onglao dahil kalahati ng kita niya kada buwan ay napupunta daw sa pagbili ng mga LPG.
Bilang tugon, magbabawas na lamang daw siya sa kada serving ng ulam at magdadagdag presyo sa ilang paninda.
"Di naman natin mapipigilan. Mag-a-adjust na lang at magbabawas sa ulam... Sa mga suki ko, magtatataas tayo ng P1 sa kape walang magrereklamo," aniya.
—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, petrolyo, liquefied petroleum gas, LPG, gas, langis, Auto LPG, Petron, Solane, oil price hike, world market, #PricePatrol