Pagbubukas ng account, pinasimple para dumami ang nagbabangko

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 09:56 PM

Puwede nang magkaroon ng bank account na walang minimum maintaining balance at P100 lang ang inisyal na deposito. 

Sa pamamagitan ng basic deposit account framework, tinanggal na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang karaniwang mga hadlang para sa mga gustong mag-impok.

Pinasimple rin ng basic deposit account ang mga rekisito sa mga gustong magbukas ng bank accounts.

Bukod sa walang maintaining balance at puwedeng mas mababa pa sa P100 ang paunang deposito, inalis din ang dormancy charge o ang kaltas kapag matagal nang walang aktibidad tulad ng deposito o withdrawal sa bank account. 

Maaari ring magbukas ng account kahit wala ang nakasanayang I.D. na hinihingi para makapagbukas ng account.

Umaasa ang BSP na mahihikayat nitong magbangko ang nasa 70 porsiyento ng mga Pilipinong nasa hustong edad na pero walang bank account.

Ayon kasi sa pag-aaral ng World Bank Global Findex noong 2014, 31.3 porsiyento lamang ng mga Pinoy na nasa tamang gulang ang mayroong account sa bangko. 

Karaniwang hadlang kasi sa pagbubukas ng bank account ang kakulangan ng perang ilalagak sa bangko, kawalan ng sapat na dokumentong hinihingi ng bangko, at ang pananaw ng ilang Pinoy na wala masyadong magiging silbi ang pagbabangko nila.

HALAGA NG BANK ACCOUNT

Isa ang caretaker na si Ellen Villaluz sa mga walang account sa bangko.

Tingin niya kasi, pang-mayaman lang at sa malalaki ang sahod ang pagbabangko.

Hindi niya na sinubukang magbukas ng bank account kahit may naitatabi siyang P500 sa kaniyang buwanang sahod.

Nais ng BSP na mahikayat ng pinasimpleng bank account deposit ang mga tulad ni Villaluz.

Paliwanag ni Pia Tayag, direktor ng BSP inclusive finance advocacy office, mainam ang pag-iimpok sa bangko dahil protektado ito ng deposit insurance.

Para rin sa mga umaasa sa remittances ng kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa, maaaring mas mura ang pagpapadala ng pera kung sa pagitan lang ng bank accounts ng nagpapadala at tatanggap nito.

Marami ring transaksiyon sa gobyerno ang maaaring gawin online ng mga may bank account.

Para hindi maabuso o magamit sa money laundering, may limitasyong P50,000 pesos ang puwedeng maimpok sa basic deposit account.

Ang mga bangko naman na mag-aalok nito, bibigyan ng zero percent na reserve requirement para bumaba ang kanilang maintenance cost.

REAKSIYON NG MGA BANGKO

Bukas ang Bankers Association of the Philippines (BAP) sa hakbang ng BSP na anila'y makatutulong sa financial inclusion o pakikibahagi sa usaping pinansiyal ng malaking bilang ng populasyon.

"The BSP's move is certainly pro-financial inclusion. The BAP members welcome the easing of the documentary requirements for new accounts and the relaxed reserve requirements," saad ng pahayag ni Benjamin Castillo, managing director ng BAP.

Suportado rin ito ng Metrobank na inaantay na lang mailimbag ang BSP circular para makapag-alok sila ng basic deposit account.

Pahayag ng Metrobank: "We welcome this move of BSP and we support the initiative of our government to provide access to financial services for all, particularly the unbanked members of society. We look forward to the circular for our implementation."

Aminado naman ang Bank of the Philippine Islands (BPI) na kahit nagpapatupad na sila ng kahalintulad na produktong mababa o walang maintaining balance, hadlang pa rin ang mga kinakailangang dokumento para sa mga magbubukas ng bank account.

Umaasa ang BPI na mas maraming mahihikayat na magbukas ng basic deposit account sa ilalim ng bagong panuntunan ng BSP.

"Given the combination of simpler documentation and lower regulatory costs under the new circular, we can now refine, not only for a new base of underbanked customers, but also the "go-to-market" strategy that will make these products more accessible, less intimidating to consume," saad ng pahayag ni Joey Gotuaco, head ng BPI retail client segment group.

Inaasahan ng BSP na puwede nang ipatupad ang basic deposit account bago matapos ang Pebrero.

-- Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.