PatrolPH

Presyo ng gulay bumaba sa ilang pamilihan sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2021 03:50 PM | Updated as of Jan 31 2021 07:44 PM

Watch more on iWantTFC

Bumaba na ang presyo ng mga gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila, base sa pag-iikot ngayong Linggo ng ABS-CBN News.

Sa Nepa Q-Mart Public Market sa Quezon City, halimbawa, narito ang presyo ng kada kilo ng gulay:

  • Repolyo - P120 mula P160
  • Talong - P70 hanggang P80 mula P140 hanggang P180
  • Ampalaya - P100 mula P160 hanggang P180
  • Pipino - P60 mula P160
  • Sibuyas - P100 mula P160
  • Lechugas - P100 mula P200 hanggang P250
  • Okra - P80 mula P160
  • Siling pula - P400 hanggang P500 mula P800 hanggang P1,200
  • Pechay Baguio - P80 hanggang P100 mula P120

Ayon sa mga nagtitinda, sagana na ulit ang supply ng gulay.

"Maraming dumating galing sa mga iba't ibang probinsya na marami nang pananim kaya ang presyo ngayon, nag-uunahan sa pagbaba. Kung hindi nila ibaba, maraming dating, mabubulukan sila," sabi ng tinderang si Leticia Villanueva.

Pero kahit bumaba, hindi pa rin daw mura ang presyo.

Halimbawa, ang repolyo na nasa P120, P40 lang noon.

May mga tumaas din ang presyo dahil kakaunti umano ang ani, tulad ng carrots na nasa P120 hanggang P140 mula P80 at kalabasa na P90 mula P30.

Sa baboy, nananatili sa P370 hanggang P390 ang presyo ng kada kilo.

Pero ayon sa Department of Agriculture, may parating na mga imported na baboy at supply mula Visayas, Mindanao at ibang lalawigan sa Luzon kaya inaasahan din ang pagbaba ng presyo nito ngayong linggo.

"We’d like to see softening of prices in the coming weeks," ani Agriculture Assistant Secretary Noel Reyes.

Samantala, tumaas naman nang P10 ang presyo ng buong manok mula sa dating P190.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.