Bentahan ng 'frozen eggs' sa Mega Q Mart sa Quezon City, Enero 29, 2023. Reiniel Pawid, ABS-CBN News
MAYNILA — Patok sa mga mamimili sa ilang pamilihan sa Metro Manila ang frozen eggs dahil umano sa abot-kaya nitong presyo.
Sa Mega Q Mart sa Quezon City, halimbawa, ibinebenta ang frozen eggs sa halagang P55 kada kilo.
Mas mura umano ito sa ordinaryong itlog, na naglalaro sa P7 hanggang P10 bawat piraso.
Nasa limang kilo ng frozen egg ang binili ni Annaliza Calzon para sa kaniyang karinderya. Isa aniya ito sa mga paraan para hindi nila taasan ang presyo ng mga ulam na ginagamitan ng itlog.
"'Yan pong frozen na itlog, ginagamit namin sa giniling tapos sa torta, hinahalo po namin. Pati kami kumakain niyan, piniprito 'pag umagahan," ani Calzon.
Bumili rin ng isang kilo si Ganny Gripon para pangmeryenda ng 30 niyang kasamahan sa trabaho.
Sa halagang P55, sapat na aniya ito sa paggawa ng pancakes.
Ayon sa tinderang si Dionesio Cartisiano, ang mga tinda niyang frozen egg ay hindi galing sa basag na itlog.
"Galing sa farm 'yan, 'yong mga hindi tumigas ang shell," aniya.
Una nang nagpaalala ang Department of Health na maaring maging sanhi ng food poisoning ang pagkain ng biyak o basag na itlog.
Samantala, inaasahan naman ng Philippine Egg Board (PEB) na aabot nang isang taon bago makabawi ang industirya ng itlog sa bansa.
"'Yong supply, mananatili 'yan sa ganitong level ng almost a year kasi mahaba ang cycle ng itlog," ani PEB Chairman Gregorio San Diego.
"'Pag sinimulan mo 'yan sa parent stock na ini-import natin, bibilang pa nang halos isang taon bago maging itlog na itinitinda sa mga pamilihan," dagdag niya.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.