Magandang balita para sa mga nasa tourism at travel industry ang pag-aalis ng mandatory quarantine at pagluluwag ng iba pang restriction sa mga biyahero pa-Pilipinas, ayon sa grupo ng mga hotel, resort, at restaurant sa bansa.
“This is good news,” sabi ni Bong Bengzon, executive director ng Philippine Hotel Owners Association (PHOA) sa ABS-CBN News nitong Sabado.
“Dadami ‘yong mga turistang pwedeng pumunta rito dahil wala na ang additional expense.”
Ayon kay Bengzon, pinaghandaan na rin ng mga negosyo ang muling pagpasok ng mga turista at iba pang magbabakasyon.
Inaasahan kasi ng Bureau of Immigration na unti-unting tataas muli ang pagdating ng mga banyaga sa Pilipinas kasunod ng pagtanggal ng color-coded list ng bansang ipinagbabawal ang pagbiyahe patungo rito.
Kapalit nito, pinapayagan nang makapasok sa Pilipinas ang mga fully vaccinated leisure travelers mula sa mga bansang may visa-free travel sa Pilipinas.
Hindi na rin kailangang mag-quarantine sa facility ang mga umuwing overseas Filipinos pagdating sa bansa katulad ng dati.
Ilan sa mga naging paghahanda ng PHOA ang tuloy-tuloy na pagpapa-seminar sa Basic Occupational Safety and Health sa mga tauhan ng mga establishimento.
Bahagi nito ang pagbabawal sa mga guest na lumabas sa mga kuwarto at paghinto sa laundry at daily housekeeping services.
Nagpapatupad na rin ng mga ventilation guidelines sa mga hotel bilang pagtugon sa pagiging airborne ng coronavirus.
Kasama naman dito ang paggamit ng mga pintuan, exhaust fan, at regular na paglilinis ng hangin.
Tiniyak din ng PHOA na halos 100% na ang vaccination rate ng mga tauhan sa mga miyembro nitong establesimiento.
DAGDAGAN ANG CAPACITY
Pero panawagan ng grupo sa pamahalaan, dagdagan na sana ang operating capacity o dami ng mga pwedeng mag-check-in sa mga hotel—bagay na magagawa lamang sa mas magaang alert level.
“Kailangan dito is maibalik ulit sa dati ‘yong operating capacity para naman kumita itong mga hotels,” sabi ni Bengzon sa telepono.
Ayon sa PHOA, umabot sa 85% ang occupancy rate ng mga miyembro nitong hotel noong Nobyember at Disyembre noong binaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila at ilang rehiyon.
Pero bumaba ulit ang occupancy ng mga hotel sa 60 hanggang 65 porsiyento noong Enero nang tumaas ang mga kaso dahil sa Omicron variant at maghigpit muli sa ilang rehiyon.
Nakitaan din ng pagbaba ng kita sa mga miyembrong restaurant ng PHOA dahil sa binawasang dining occupancy sa ilalim ng Alert Level 3.
Bukod pa sa capacity, dapat ding pag-aralan ang pagtataas ng daily passenger quota sa mga paliparan kung inaasahan ang pagdami ng mga biyahero.
“Kung gusto talaga nating maraming mga foreign travelers ang pumasok, kailangan dagdagan din itong daily capacity sa mga airports,” dagdag niya.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 special medical adviser Dr. Ted Herbosa, inaasikaso na rin ito ng pamahalaan.
“‘Yong limit involves processing and capacity in terms of how many passengers ang kailangan iprocess sa chinecheck nila data nila, mayroong digital records ng vaxx card, RT-pCR. I know gagawin ‘yan slowly pero eventually palalakasin, padadamihin ang entry ng mga passengers and tourists,” sinabi niya sa TeleRadyo noong Biyernes.
MATATAGALAN PA ANG PAGDATING
Ayon sa Department of Tourism, niluwagan ang mga restriction batay na rin sa payo ng mga health expert at hindi dahil hinirit ng ahensya.
Pero ayon kay DoT Sec. Bernadette Romulo-Puyat, posibleng pagkatapos pa ng isa hanggang 2 buwan o baka sa Hunyo pa ang buhos ng mga banyaga sa Pilipinas dahil pagpaplanuhan pa ng marami ang kanilang pagpunta rito.
Bilang paghahanda, kakausapin na rin ng DoT ang mga lokal na pamahalaan, lalo na ang mga pasyalan, na luwagan na rin ang kanilang mga panuntunan sa pagpapapasok ng tagalabas.
“Because this is under the LGU, mayroon silang sariling autonomy. They can impose additional [rules]. It is really still up to them but we are hoping they will also make it easier for our foreigners to travel,” sinabi ni Puyat sa TeleRadyo noong Sabado.
Ayon sa mga health expert ng pamahalaan, napapanahon na rin ang pagtanggal sa quarantine dahil mas marami nang Pilipino ang nabakunahan at mayroon na ring community transmission sa Pilipinas gaya ng sa mga ibang bansa.
Pero kinwestiyon ng public health advocate na si Dr. Tony Leachon ang agarang pagluluwag ng mga restriction at maging ang pag-alis ng mandatory testing.
Sabi ni Leachon, kailangang palakasin ng gobyerno ang sistema nito ng pag-test at contract tracing kahit niluluwagan na ang mga restriction, dahil iniingatan din hindi lang ang pagpasok ng COVID-19 o mga bagong variant sa bansa, kundi pati ang pagkahawa ng mga papasok sa Pilipinas.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.